Note: This is just a Tagalog (Filipino) fan fiction featuring my own ending of the Korean drama series Queen Seon Deok (owned by MBC). It’s actually a continuation of episode 62 (ignoring the very last scene). It’s just mere imagination. Hope you’ll like it. Enjoy reading!
Agad iniutos ni Yu Shin sa mga hwarang ang pagbalik sa palasyo upang masuri ng manggagamot ang kalagayan ng reyna matapos itong mawalan ng malay.
Yu Shin: (makikita sa mukha ang pag-aalala) Kumusta na ang Kamahalan?
Manggagamot: (nababakas ang lungkot sa mga mata) Malubha na ang kanyang kalagayan.
Yu Shin: Wala na ba talagang paraan?
Manggagamot: Wala nang manggagamot sa Silla ang kayang pagalingin ang Kamahalan. Pero…
Yu Shin: (makikita sa mukha ang pag-asa) Pero ano? May iba pang paraan?
Manggagamot: Ang alam ko lang po Punong Heneral mayroon isang mahusay na manggagamot sa Tang ang nag-aaral at masusing nagsasaliksik sa mga karamdaman sa puso tulad ng sa Kamahalan.
Yu Shin: Ano ang kanyang pangalan? Kailangan natin siyang makita ano man ang mangyari, sa lalong madaling panahon.
Manggagamot: Naiintindihan ko. Sa pagkakatanda ko ay nagsasaliksik siya ngayon sa may kabundukan at humahanap ng mabisang halamang-gamot. Ngunit kailangan nating magmadali, unti-unting nauubos ang oras ng Kamahalan, pahina na nang pahina ang kanyang puso.
Yu Shin: Aalis tayo ngayon din. Hindi maaaring mamatay ang Kamahalan.
Agad namang natagpuan nina Yu Shin ang nasabing manggagamot. Pumayag itong gamutin ang mahal na reyna kapalit ang ilang halamang-gamot at ilang pirasong ginto. Ngunit hindi ito nagbitiw ng pangako na pagagalingin ang reyna dahil ang totoo ay maging siya ay nag-aaral pa lamang tungkol sa sakit na ito.
Mga nangyari pagkatapos ng madugong paghihimagsik…
Bi Dam: (nananatiling nakaratay sa lupa na dilat ang dalawang mata)
Hwarang 1: Uy kunin mo na ‘tong bangkay ng punong ministro.
Hwarang 2: Ikaw na lang, sadyang natatakot pa rin ako sa kanya hanggang ngayon.
Hwarang 1: (natawa) ‘Di mo ba nakikita? Patay na ‘yan oh.
Hwarang 2: Basta ikaw na ang bahala sa kanya.
Hwarang 1: Bahala ka. Sundin mo na lang ako kung ayaw mong mapagalitan.
Nailigpit na ang lahat ng bangkay ng mga hwarang na napatay. Ang mga sugatan naman ay nasuri na ng mga manggagamot. Tanging ang katawan ni Bi Dam ang naiwan sa nasabing lugar.
Tuks: (Siya ay isang manglalakbay na aksidenteng napagawi sa kinaroroonan ng katawan ni Bi Dam. Nagulat siya sa kanyang nakita, ngunit hindi naman siya natakot, kumilos pa siya na parang alam kung ano ang dapat gawin sa mga ganoong pagkakataon. Pinulsuhan niya si Bi Dam.) Napakahina, animo’y wala ng buhay. Sobrang daming dugo ang nawala sa lalaking ito. (Isinara ang mga mata ni Bi Dam at agad tinalian ang mga sugat nito.)
Dinala ni Tuks sa isang maliit na kubo si Bi Dam. Kumuha siya ng ilang patak ng dugo nito at pinag-aralan ito. Kung kumilos siya ay tila ba bihasang-bihasa sa kanyang ginagawa. Makalipas ang ilang oras…
Tuks: Maswerte ka dahil madaling hanapin ang uri ng iyong dugo.
Sa unang pagkakataon, naganap ang pagsasalin ng dugo sa bayan ng Silla.
Makalipas ang ilang mga araw, magkasabay na nagkamalay sina Deok Man at Bi Dam.
Deok Man: (iminulat ang mga mata at unti-unting tinanaw ang paligid. Siya ay nasa kanyang silid.)
Tagapaglingkod sa palasyo: Kamahalan, sa wakas at nagising na rin kayo sa inyong pagkakahimlay.
Deok Man: Pa’nong?
Ipinaliwanag ng tagapaglingkod ang lahat ng nangyari. Sinabi rin nito na habang natutulog siya ay nagsanib pwersa sina Punong Ministro Al Cheon, Prinsipe Chun Chu at Punong Heneral Yu Shin sa pagpapatakbo at pagpapanatili ng kaayusan sa loob ng Silla.
Deok Man: (isang matipid na ngiti lamang ang isinagot sa tagapaglingkod matapos ang mahabang pagsasalaysay nito sa mga nangyari. Ilang sandali pa ay nabakas sa kanyang mukha ang matinding kalungkutan, tila may mga masasakit na alaala ang gumuhit sa kanyang isipan, nangingilid ang kanyang mga luha na animo’y mas ninanais pa ang tuluyang mamatay na lang kaysa muling mabuhay.)
Matapos kumain bumalik na ang lakas ng Kamahalan. Agad siyang nagpatawag ng pulong sa bulwagan. Marami ang iniulat sa kanya. Marami ang nabago. Mga bagong miyembro ng konseho, mga kawani, mga patakaran. Agad isinaayos ng reyna ang mga nakabinbing mga kasulatan na nangangailangan ng kanyang lagda.
Pagkatapos ng pulong ay nagkaroon siya ng maikling pag-uusap kasama sina Al Cheon, Yu Shin at Chun Chu. Binati siya ng mga ito sa kanyang pagbabalik. Nagpasalamat naman si Deok Man sa kanila dahil sa pag-aalaga ng mga ito sa Silla habang wala siya. Tumugon sila na iyon naman daw ay kanilang tungkuling dapat gampanan.
Deok Man: Kahit pala wala ako ay kayang-kaya niyo namang pamunuan ang Silla. Sa nakikita ko ay matiwasay naman ang lahat. Mabuti pa ata’y tuluyan na akong nawala sa mundong it…
Yu Shin: (pinutol ang nais sabihin ng reyna) ‘Wag kayong magsalita ng ganyan Kamahalan. Hindi kami magiging magaling na mga pinuno kung wala kayo.
Deok Man: Mali ka, Punong Heneral. Kahit wala ako ay kaya niyo nang tatlo. At natutuwa akong malaman at makita ‘yun ngayon.
Matapos ang pag-uusap na iyon ay tumuloy na si Deok Man sa kanyang silid.Pagpasok niya dito, maraming magagandang karanasan ang bumalik sa kanyang gunita—si Bi Dam. Muling nagbalik ang mga panahong pinapatulog siya nito sa kanyang higaan, pati na rin nung minsan ay nanikip ang kanyang dibdib kung saan ay inalalayan siya nito at tinitigan siya ng mga mata nitong punung-puno ng pag-aalala.Tumingin siya sa kanyang kanang kamay, at nakita ang singsing, ang singsing na hindi na niya hinubad simula nang isuot ito. Biglang tumulo ang kanyang luha, ang mga magagandang alaala ay naging mapapait na karanasan, ang dapat sana’y masasayang gunita, ngayon ay napakasakit nang alalahanin. Ngunit ang labis na dumurog sa kanyang puso ay ang larawang dahan-dahang bumabagsak si Bi Dam sa kanyang harapan habang siya ay walang magawa kundi ang manood sa unti-unti nitong pagkawala.
Humawak siya ng isang pinsil at nagsimulang magsulat. Kahit nababasa ang papel ng kanyang mga luha, tuloy pa rin siya.
Agosto 12, 2010
Hindi ko mapigilan
ang pagluha ng aking mga mata
Ang bawat patak nito ay
Katumbas ng bawat sandaling
Nawawala sa iyong buhay.
Ang mas lalong masakit
Kailangan kong masaksihan ang iyong pagpanaw
Habang winawakasan ang iyong buhay
Wala akong magawa kundi tingnan
Ang unti-unti mong pagkawala.
Bawat patak ng dugo mula sa’yong katawan,
Bawat pana na tumatama sa’yong dibdib
At bawat hiwa ng espada na ‘yong tinatamo
Katumbas ay sukdulang hapdi sa’king kalooban.
Hindi man lang kita malapitan,
Mahawakan at mahagkan
Kahit ang pag-iyak at pagdadalamhati ko
Ay hindi nila dapat masilayan.
Habang ikaw ay lumuluha ng dugo
Mabanggit lang ang aking pangalan
Kailangan kong magpakatatag
At huwag magpakita ng kahinaan.
Sa huling sandali ng iyong buhay
Pinilit mo kong lapitan
Upang tagawin akong Deokman
Sa ngalan ng pagmamahal.
Nawala ka nang bukas ang dalawang mata
Upang mukha ko ang huling makita
Samantala kailangan ko pang magpanggap
Na ako’y nagdiriwang,
Na ang iyong pagpanaw
Ay katumbas ng aking tagumpay.
Ngunit ang labis na kalungkutan
Hindi na kinaya ng puso kong sobrang nasasaktan.
Ako ay nawalan ng malay at sa tabi mo ay humimlay
Sa pag-asang magkakasama tayo sa kabilang buhay.
Makalipas ang tatlong araw
Bumalik ako sa mundo upang isaayos ang ilang bagay
Pero sa huli ginusto kong tuluyan nang magpaalam
Dala ang pag-asang magkikita tayo sa kalangitan.
Deok Man: (nabitiwan ang pinsil na panulat) Pero bakit? Bakit nandito pa ako ngayon? (kasabay ang walang humpay na mga hikbi)
Bi Dam: (unti-unting idinidilat ang mga mata) Nasa’n ako? Anong lugar ‘to?
Tuks: (Pumasok sa silid ni Bi Dam dala ang isang basong tubig) Nandito ka sa pansamantala kong tinutuluyan. Alam mo bang ilang araw ka na ring nakahiga diyan? Mabuti nga at nagising ka na. Akala ko’y nabigo ako sa panggagamot sa’yo.
Bi Dam: Pero pa’nong?
Tuks: Siguro medyo naguguluhan ka pa sa ngayon. Uminom ka muna ng tubig, makakabuti ‘to sa iyong pakiramdam. (inilapag ang tubig sa maliit na mesang malapit kay Bi Dam) Ako nga pala si Tuks, isa kong manggagamot. Hindi ako taga-rito sa Silla. Narinig mo na siguro ang pangalang Jang Geum.
Bi Dam: Ang kauna-unahang babaeng manggagamot sa Gyerim?
Tuks: Tama ka. At sa katunayan ako ay isa sa mga pinakamahuhusay niyang estudyante. Pasalamat ka at nakita ko ang duguan mong katawan bago pa ako magpakamata… (pinutol niya ang nais sabihin.) Naaalala mo na ba ngayon?
Bi Dam: (unti-unting lumiwanag ang isipan) Pero hindi maaari, malubhang-malubha na ang aking kalagayan. At isa pa matindi ang tama sa aking katawan.
Tuks: Maswerte ka rin talaga siguro. Ang totoo ngayon lang ako nanggamot ng ganoong kalubhang kalagayan. Hindi ko rin sigurado kung magtatagumpay ako. Ginawa ko lang ang lahat ng aking makakaya bilang isang manggagamot pero hindi ‘yun sapat. Ang kakulangan ay pinunan ng pagnanais mong gumaling at muling magkamalay.
Bi Dam: (ininom ang tubig sa mesa).
Tuks: May mga bagay ka pa sigurong gustong gawin dito sa mundo na hindi mo pa naisasakatuparan.
Bi Dam: (natigilan sa pag-inom) Mga bagay na nais gawin? (wala na siyang nais gawin kundi ang tawagin ang reyna sa pangalan nito at mahalin ito ng buong puso. Pero siya ay napailing.) Kakalimutan ko na ang mga ‘yon. (“sakit at paghihirap lamang ang idinudulot noon sa kanya, ayoko na siyang pahirapan pa” nabanggit niya sa kanyang isipan). Mabuti pa sana ay hinayaan mo na lang akong mamatay. (muling uminom)
Tuks: Ano nga bang pakialam ko sa isang estrangherong katulad mo? Ni hindi nga kita kababayan. Malay ko ba kung isa ka palang masamang tao kaya nahatulan ka ng kamatayan. (kinuha ang baso sa mesa na naubos na ni Bi Dam ang laman) Alam mo hindi naman kita iniligtas dahil naaawa ako sa’yo. Ginamot kita dahil sinusunod ko lamang ang aking sinumpaang tungkulin. Buhay ng tao ang una sa lahat, kaaway man o kakampi kailangang iligtas sinumang nangangailangan ng atensyong medikal. Kami ang mga taong tagapangalaga ng buhay. At pinakaayaw namin sa lahat ay ang digmaan, walang humpay na patayan. (tuluyan nang lumabas ng silid)
Bi Dam: (mababakas sa mukha ang nadaramang kalungkutan. Pinilit na maupo kahit masakit pa ang mga sugat sa kanyang katawan.)
Tuks: (pumasok muli sa silid dala ang gamot at tubig ni Bi Dam) O, dahan-dahan, sariwa pa rin ang mga sugat mo. (Ibinaba ang dala, sabay alalay kay Bi Dam sa pag-upo) Maiwan muna kita dito. Kailangan ko pa ng ilang halamang-gamot na maaaring itapal diyan sa sugat mo.
Bi Dam: Sasama ako. Alam mo bang may karanasan din ako sa panggagamot? Mahusay kasing manggagamot si Maestro. (Natigilan siya nang maalala si Munno, nahalata ang pangungulila sa kanyang mga mata)
Tuks: Mahina ka pa. Hindi mo kakayanin. Malayo pa mula dito ang bayan.
Bi Dam: (natawa) Sa buong bayan ng Silla ikaw lang ang nagsabing mahina ako. Alam mo bang lahat sila takot sa’kin? Malamang kung hindi mo ako iniligtas wala ka nang ulo ngayon. (nakangiti pa rin, matapos magsalita nang pabiro)
Tuks: (naging seryoso ang mukha) Hindi nakakatawang biro. Hindi laruan ang buhay ng tao. Pa’nong nagkaroon ng mga nilalang na katulad niyong walang habas ang pagpatay at hindi man lamang nakakaramdam ng awa? Kaya siguro hindi makamit ng mundong ‘to ang kapayapaan dahil sa mga taong sakim na katulad niyo.
Bi Dam: Ang taas naman ng pangarap mo, kapayapaan para sa buong mundo.
Nilisan ni Tuks si Bi Dam. Naiwan itong mag-isa sa kanyang silid. Ininom ni Bi Dam ang gamot kahit na may kapaitan ito. Naalala niya ang mga salitang binitiwan ni Tuks—“Kaya siguro hindi makamit ng mundong ‘to ang kapayapaan dahil sa mga taong sakim na katulad niyo.”
Bi Dam: Ako? Sakim? Ngunit isa lang naman ang ninanais ko, ang makasama siya at mahalin din niya ako ng lubusan. (nag-isip ng malalim habang patuloy na ikinukubli ang nadaramang kalungkutan) Tama, sakim nga ako. Ang isang hari ay pag-aari ng kanyang bayan, kung ninanais ko siya para ko na ring inagawan ang buong Silla. Sakim ka Bi Dam. Tama siya, napakamakasarili mo. Kahit nangako ka na sa iyong ina, hindi mo pa rin nagawang magbahagi. Nabigo ka.
Makalipas ang limang taon…
Manggagamot: Kamahalan, tuluyan na ngang bumuti ang inyong karamdaman. Binabati ko kayo. Marahil ay kalooban din ito ng langit. Ngunit Kamahalan, kailangan niyo pa ring mag-ingat. At ang mga gamot ninyo…
Deok Man: (pinutol ang sinasabi ng manggagamot) Limang taon niyo na ‘yang ihinahabilin sa akin. Naisaulo ko na nga ang bawat salita sa inyong paalala. (nakangiti ito at maaliwalas ang mukha)
Natawa nang kaunti ang mga tagapaglingkod sa palasyo na nasa silid ni Deok Man nang marinig ang pabirong hayag ng reyna.
Manggagamot: Ibayong pag-iingat lang Kamahalan. Sige po at magpahinga na kayo pamaya-maya.
Tagapagpahayag: Narito po ang Punong Ministro.
Deok Man: Papasukin mo.
Al Cheon: (pumasok sa silid ng reyna. Nakita niya si Deok Man na nakaupo at nagbabasa ng ilang ulat) Kamahalan, may nais sana ako sa inyong ipaalam.
Deok Man: Ano ‘yun? May kinalaman ba sa usapin sa lupa o ‘yung sa pagawaan ng sandata?
Al Cheon: Kamahalan, tungkol ito sa pinaimbestigahan niyo sa’kin ilang taon na ang nakakaraan.
Deok Man: (halatang nagulat sa sinabi ni Al Cheon) Kung ganoon, ano ang tungkol doon? May napag-alaman ka ba?
Al Cheon: Tinanong na namin ang lahat ng Hwarang na nandoon noong araw na iyon, kahit ang mga nasugatan. Pero, ni isa sa kanila walang nagligpit ng mga labi ng dating punong ministro. Lahat ay nag-akala na nailigpit na ito ng iba.
Deok Man: Kahit man lamang matinong libing ay hindi ko magawa para sa kanya. (nababakas ang hinagpis sa kanyang mukha)
Al Cheon: Pero Kamahalan, hindi lang kinain ng uwak ang bangkay niya, imposible ‘yun.
Deok Man: Ano’ng ibig mong sabihin?
Al Cheon: Noong araw na iyon ako mismo ay bumalik sa pinangyarihan ng digmaan matapos kayong maihatid sa palasyo. At wala akong nakita ni isang katawan na naiwan. Malinis ang lahat nang ako ay dumating.
Deok Man: Kung ganoon, ibig sabihin…
Al Cheon: Tama ka, Kamahalan. Maaaring may ibang kumuha ng katawan ni Bi Dam.
Deok Man: (“Bi Dam”—isang pangalang ilang taon na rin niyang hindi naririnig, kaya gumuhit sa puso niya ang pagbikas ni Al Cheon sa pangalan nito.) Bi Dam, patawad, kahit ito hindi ko man lang magawa para sa’yo.
Al Cheon: Wag kayong mag-alala Kamahalan. Patuloy kong aalamin ang mga detalye tungkol sa bagay na ito.
Nang makalabas si Al Cheon ng silid, muli itong lumingon sa kinaroroonan ng reyna. Mayroon siyang naibulong sa sarili.
Al Cheon: Patawad, Kamahalan. Ngunit hanggang hindi ko pa ito natitiyak pananatilihin ko muna ito bilang isang lihim. Nais kong ako mismo ang makasaksi nito sa pamamagitan ng aking dalawang mata. Hayaan niyo at kapag sigurado na ako sa lahat, agad ko itong ipaaalam sa inyo. (tuluyan nang nilisan ang nasabing silid)
Mag-isa si Deok Man sa kanyang silid. Malalim na ang gabi ngunit hindi pa rin siya makatulog. Dama niya ang pagbilis ng tibok ng kanyang puso. Muli ay nakaramdam siya ng pag-iisa at pangungulila. Bumalik sa kanyang alaala ang kanyang panaginip noon.
Deok Man: Sadyang ito nga ata ang itinakdang kapalaran para sa’yo, Deok Man.
Nanitili na naman siyang gising sa buong magdamag tulad ng dati. Kung naroon lang sana si Bi Dam upang pakalmahin ang puso niya, upang manatili sa kanyang tabi hangga’t makatulog siya, kung naroon lang sana si Bi Dam na panatag niyang makasama, kung naroon lang sana ang lalaking nagparamdam sa kanya na isa rin siyang babae. Kung naroon lang sana si Bi Dam. Tama, si Bi Dam, wala na ngang iba, si Bi Dam lang.
Kinabukasan, palihim na umalis si Punong Ministro Al Cheon patungo sa isang maliit na pamayanan na hindi naman gano’n kalayo mula sa Soraebol. Nakarating na si Al Cheon sa lugar na iyon mga taon na rin ang nakakalipas ngunit halos ‘di na niya makilala ang nasabing lugar. Malaki ang ipinagbago nito sa loob lamang ng maikling panahon. Umunlad na nga ng lubusan ang pamayanang ito, pero ang ipinapagtaka niya ay sa pagkakaalam niya wala namang pormal na namumuno sa lugar na ito. Nagtanung-tanong siya sa ilang mamamayan nang magawi sa pamilihang bayan, wala namang nakakilala sa kanya. May nakapagsabi na isang lalaki at isang babae raw ang dumating dito limang taon na ang nakakaraan at ang mga iyon ang tumulong sa kanila sa pagpapaunlad at pagsasaayos ng kanilang pamumuhay. Napansin nga ni Al Cheon na maayos ang kalakalan sa pamilihan, maging ang mga paninda at produkto ay matataas ang kalidad. Isang maliit ngunit tunay na maunlad na bayan. Isang magaling na pinuno lamang ang may kakayahang gawin ito sa loob ng maikling panahon, isang nilalang na katulad ng reyna ay may angking talino sa pagpapatakbo ng isang bansa.
Al Cheon: Nais ko ho sanang makilala ang mga taong tumulong sa inyo?
Matandang mamamayan: (lumingon sa paligid.) Madalas ay nandito lamang si Hyeong Jong at inaalam ang kalagayan ng pamilihan. (Pamaya-maya pa ay may itinuro siyang isang lalaki na nakaitim na kasuotan at nakasalakot) Iyon, siya ang lalaking sinasabi ko.
Al Cheon: Marami pong salamat. (pagkatapos ay iniwan na ang matanda at palihim na sinundan ang lalaking itinuro nito. Ngunit dahil sa suot nitong salakot ay hindi niya makita ang mukha nito.)
Ilang sandali pa ay napalingon ng bahagya ang lalaki sa kanya. Nagulat siya sa kanyang nakita kahit pa alam na niyang posibleng mangyari ang ganoon. Kahit malayo at kalahati lamang ng mukha nito ang kanyang nasilayan, sigurado siya na isa itong pamilyar na wangis. Isang pamilyar na katauhan, hitsura na kailanman ay hindi niya maaaring malimutan na lang nang ganoon kabilis kahit na nga ba limang taon na ang nakakaraan. Patuloy niya itong sinundan ngunit nang makihalo ito sa iba pang mga tao ay mabilis itong nawala sa kanyang paningin.
Al Cheon: Ngayon talagang natitiyak ko na. Kamahalan, nagagalak ako para sa inyo. (ito ang mga nasabi ni Al Cheon sa sarili.)
Pinulong ng reyna sina Punong Heneral Yu Shin, Prinsipe Chun Chu at Punong Ministro Al Cheon sa kanyang silid-tanggapan. Tiniyak niya lamang na walang anomalya ang nangyayari sa pamahalaan. Ngayon kasi ay masusi na siyang nag-iingat sapagkat ayaw na niyang maulit pa ang nakaraan, lalo na at nabuwag na ang Kagawaran ng Katiwasayan na dating nangangasiwa sa mga katiwalian sa palasyo.
Deok Man: Natutuwa ako at maayos at matiwasay pa rin ang lahat. Ngunit kailangan pa ring maghigpit, ‘wag kayong maging kampante. Kung magkakaroon man uli ng digmaan ang Silla, hindi na sa sarili nitong bayan.
Lahat: Naiintindihan namin, Kamahalan.
Lumabas na ng tanggapan ang lahat maliban sa punong ministro.
Al Cheon: Kamahalan…
Deok Man: May napag-alaman ka na naman bang impormasyon tungkol sa bagay na iyon?
Al Cheon: Kamahalan, ‘wag niyo sanang ikagugulat ang sasabihin ko sa inyo.
Deok Man: (nanlaki ang mga mata, at halata ang hangaring marinig kaagad ang sasabihin ni Al Cheon)
Al Cheon: Ang totoo niyan ay medyo matagal ko na rin itong nalaman mula sa isa kong tapat na tauhan. Ngunit nagpasya akong ilihim muna sa inyo hanggat hindi ko pa ito natitiyak. Noong inutusan niyo akong magpunta sa Chu Wa upang alamin ang kalagayan doon ay sinamantala ko ang panahong iyon upang siguraduhin na rin ang impormasyong aking napag-alaman.
Deok Man: (bahagyang nagulat sa mga sinabi ni Al Cheon) At ano ang iyong natiyak?
Al Cheon: Kamahalan…
Deok Man: Ituloy mo.
Al Cheon: Kamahalan! (may kalakasang tinig dala ng pananabik) Buhay ang dating punong ministro!
Deok Man: Ano’ng ibig mong sabihin? Sino sa mga naunang punong ministro ang iyong tinutukoy? (dahil tungkol sa labi ni Bi Dam ang kanilang pinag-uusapan, alam niya na ito iyon ngunit imposible iyong mangyari kaya ganito ang kanyang naturan, gayunpaman isang maliit na bahagi ng puso niya ang bumubulong at humihiling na “pakiusap, sabihin mong siya si Bi Dam.”)
Al Cheon: (alam na ang nais talagang itnanong ng reyna sa kanya ay “Buhay si Bi Dam?”) Tama, Kamahalan. Buhay si Bi Dam!
Deok Man: Ngunit…hindi ito maaari! Pa’nong?
Al Cheon: Kamahalaan, ako man ay hindi makapaniwala, ngunit sigurado ako sa aking nakita.
Deok Man: Nakatitiyak ka bang talaga sa iyong mga sinasabi, Punong Ministro?
Al Cheon: Kamahalan, ang kanyang pangangatawan, hugis ng ilong at matatalim na mga mata, pano ko makakalimutan ang hitsura ng taong minsan kong itinuring na matalik na kaibigan?
Deok Man: (naguguluhan pa rin sa nangyayari ngunit unti-unti nang naliliwanagan ang isipan)
Al Cheon: Sinubukan ko siyang sundan at habulin, ngunit hindi pa rin kumukupas ang kanyang kakayahan. Dahil malakas ang kanyang pangramdam, agad siyang nakahalata na may nagmamanman sa kanya, at bigla na siyang nawala sa aking paningin. Patawad, Kamahalan.
Deok Man: Hanggang sa mga sandaling ito ay hindi pa rin ako makapaniwala sa iyong mga sinabi. Pero wala kang dapat ihingi ng paumanhin. Mamaya maghanda ka ng kabayo para sa akin at nais kong makita ng aking dalawang mata kung tunay nga ang iyong mga sinasabi.
Al Cheon: Pero Kamahalan, delikado sa paligid. Hindi na dapat maulit ang nangyaring pakikipagkita niyo sa mga taga-Gaya noon na ako lamang ang inyong bantay. Mapanganib, Kamahalan.
Deok Man: Punong Ministro, nais kong magpunta roon nang mag-isa. Sana ay maintindihan mo ang aking ninanais.
Al Cheon: Kamahalan…(may pagtutol ang kanyang tinig. Matapos ay tinitigan niya ang reyna, alam niya na hindi na ito mapipigilan sa kanyang desisyon) Kamahalan, papayag ako sa nais niyong mangyari kung kahit ako man lang ay inyong maging bantay.
Deok Man: Pero Al Cheon, isa ka na ngayong punong ministro at hindi na iyon maaari.
Al Cheon: Kamahalan, ang maglingkod sa inyo at sa bayang ito ang aking misyon. (Nagkamot ng ulo) Kung tutuusin ay mas nais ko talagang maging personal ninyong Hwarang kaysa maging isang punong ministro.
Deok Man: (nangiti ngunit ilang sandali pa ay naging seryoso na.)
Naiwang mag-isa si Deok Man sa kanyang silid. “Maaari nga kayang mangyari ang ganon?”, ito ang tanong na gumugulo sa kanyang isipan sa mga sandaling iyon.
Deok Man: Bi Dam, hintayin mo ako.
Nang magtanghali na ay dumating si Al Cheon. Palihim silang umalis ng palasyo.
Narating nina Deok Man ang pamayanan kung saan ngayon namamalagi si Bi Dam. Hinanap nila ang tinitirahan ng dating punong ministro.
Al Cheon: Kamahalan, ito na ang tinutukoy nilang bahay.
Deok Man: Magpaalam ka kung maaari tayong makapasok.
Kumatok si Al Cheon sa bahay. At dahil marami naman talaga ang nagpupunta roon upang manghingi ng payo kay Bi Dam, sanay na siya na may dumadalaw doon.Pinapasok sila ng isang katiwala at dinala sa tanggapan ni Bi Dam.
Bi Dam: Ano’ng maipaglilingkod ko sa inyo? (nakayuko siya dahil may binabasang ilang dokumento)
Deok Man: Bi… Bi Dam?
Bi Dam: (Bi Dam? Tama ba ang narinig niya? Tinawag siya sa kanyang dating pangalan na walang sino man sa pamayanan na ’yon ang nakakaalam. Hindi niya nakita ang mukha ng babaeng nagbanggit ng kanyang pangalan, at wala rin siyang lakas ng loob upang tingnan iyon, ngunit ang tinig na kanyang narinig kanina lang ay sadyang pamilyar. Hindi siya maaaring magkamali, ito ay ang malambing ngunit matatag na boses ng babaeng minsang minahal niya ng buong puso at inilayan niya ng kanyang buhay, si Deok Man. Sa halip na harapin sila, nanatili siyang nakayuko at tumagilid na para bang ikinukubli pa ang kanyang mukha.) Mukhang nagkamali yata kayo ng napuntahan, wala akong kilalang nagngangalang Bi Dam sa pamayanang ito.
Deok Man: (Nang marinig niya ang tinig ni Bi Dam, nangilid ang kanyang mga luha, sigurado na siya na ito nga ang dating punong ministro. Dahil sa kasiyahan na nadarama ng kanyang puso dulot ng katotohanang buhay si Bi Dam ni hindi na niya nais intindihin ang sinabi nito.) Bi Dam, ikaw nga… (nanginginig pa ang kanyang tinig)
Bi Dam: Sinabi ko nang nagkakamali lamang kayo, hindi ako si Bi Dam, at wala akong maitutulong upang hanapin siya kaya naman makakaalis na kayo.
Deok Man: (tila naintindihan na ang sinabi ni Bi Dam)
Al Cheon: Bi Dam, tama na. Paano mo nakuhang umasta nang ganyan sa harap ng mahal na reyna. (may pagkainis ang tinig nito)
Pumasok ang isang apat na taong gulang na batang babae sa silid na iyon.
Batang Babae: (tumakbo papalit kay Bi Dam) Ama, dali may nais kaming ipakita sa iyo ni Ina. (kinuha ang kamay ni Bi Dam, nais niyang akayin ito papunta kung saan nang mapansin niya ang dalawang taong nasa silid rin na iyon)
Deok Man: (Ama? Tama ba ang narinig niya. Bakas na bakas sa kanyang mukha ang pagkagulat. At tuluyan na ring tumulo ang mga luhang kanina pa nais kumawala sa kanyang mga mata. Ngunit naiba na ang ibig sabihin ng luhang iyon. Kung kanina ay luha ito ng kaligayahan dulot ng pagkikitang muli nila ni Bi Dam, ngayon ay animo luha na ito ng matinding sakit na gumuguhit sa kanyang puso.)
Batang Babae: Ama, mga bisita mo ba sila? (sabay lapit kina Deok Man)
Bi Dam: Tila naliligaw ata ang mga dahuyan na ito. Nagkamali sila ng napuntahang pamayanan dahil wala naman rito ang kanilang hinahanap. Maaari bang ihatid mo muna sila sa labas pagkatapos ay pupuntahan natin ang iyong ina?
Deok Man: (ina? Tama ang pagkakarinig niya. Tila ata bumilis ang tibok ng puso niya at naninikip ang kanyang dibdib)
Al Cheon: Bi Dam, ano ba’ng nangyayari sa’yo. Pa’no mo nagawang tratuhin nang ganito ang Kamahalan? (lalapitan si Bi Dam ngunit pinigilan siya ni Deok Man)
Deok Man: Al Cheon, ‘wag. Umalis na tayo. (nasabi niya sa mahina at marahang tinig. Sobrang sakit na rin kasi ng dibdib niya ngunit ayaw niyang ipakita na nahihirapan na siyang huminga.)
Al Cheon: Pero, Kamahalan…
Deok Man: (iling lamang ang sinagot kay Al Cheon)
Al Cheon: (alam niya na nakapagdesisyon na ang reyna at hindi na niya ‘yun mababago kaya umalis na rin sila.)
Batang Babae: Tiya, alis na po tayo. Hatid ko na po kayo sa labas. (masigla ito at nagbigay ng isang magandang ngiti)
Naiwang mag-isa si Bi Dam sa silid. Hindi niya alam kung ano ba’ng dapat isipin. Pero nakaramdam siya ng saya dahil natiyak niyang maayos naman ang lagay ng reyna. Hindi na nga lang maalis doon ang lungkot at hapdi na dulot ng kanilang nakaraan.
Malapit nang gumabi nang dumating ang Kamahalan sa palasyo.
Deok Man: Maraming salamat sa’yo Al Cheon, inaasahan ko na walang makakaalam sinuman sa ating pinuntahan.
Al Cheon: Makaasa kayo Kamahalan. Pero… (nais tanungin kung bakit gano’n ang inasal ni Bi Dam)
Deok Man: (pinutol ang nais sabihin ni Al Cheon) Sa tingin mo ang batang babae kaya ay kanyang… (ito ang lumabas sa kanyang bibig, ngunit hindi niya alam kung handa na ba siya sa isasagot ni Al Cheon)
Al Cheon: Kamahalan, hamak na walang hihigit sa inyong taglay na katalinuhan. At alam kong madali ninyong nauunawaan ang mga bagay-bagay sa paligid kaya alam kong hindi niyo na kailangan ang sagot ko sa tanong na ‘yan. Ngunit sa angkin kong kaunting karunungan sasagutin ko pa rin ang inyong katanungan base sa aking personal na opinyon.
Deok Man: Pakiusap, sabihin mo ang iyong saloobin tungkol sa usaping ito nang hindi inaalala ang damdamin ko. Anak ba ni Bi Dam ang batang iyon?
Al Cheon: Ang pagtawag niya sa dating punong ministro nang “ama” ay naglalahad kung anong ugnayan nila sa isa’t isa. Sa tingin ko ay mga nasa apat na taong gulang ang batang iyon, sa loob ng panahong nawala ang dating punong ministro, hindi malayong anak nga niya iyon. Mukhang matatas at matalino rin ang batang iyon, nakikita ko rin ang kompiyansa at katapangan sa kanyang mga mata, mga ugaling taglay din ni Bi Dam. Ngunit hindi natin maaaring pagbasihan ang pag-uugali, dahil maaari itong mamana sa taong kinalakihan ng isang bata. At isa pa Kamahalan, kung panglabas na kaanyuan ang titingnan wala siyang namana kay Bi Dam. Pero kailangan rin nating isipin na maaaring nagmana ito ng pisikal na kaanyuan sa kanyang ina. (tumigil sandali ngunit nagpatuloy din) Ibig kong sabihin Kamahalan, hindi pa tayo nakakasiguro sa kahit anong bagay sa ngayon taglay ang kaunting impormasyong ating nalalaman.
Deok Man: Tama ka. (mahina at walang lakas ang pagkakasabi niya nito)
Malalim na ang gabi, habang nag-iisa sa kanyang silid ayaw tumigil sa kakaisip ang utak ng reyna. Naguguluhan talaga siya sa sitwasyon ngayon. Maraming tanong ang naglalaro sa kanyang isipan, mga tanong na hindi niya alam kung malalaman pa niya ang kasagutan. Bakit gano’n ang ikinilos ni Bi Dam? Alam niyang hindi kayang gawin iyon ni Bi Dam. Maaari kayang nawala ang memorya nito? At sino ang batang iyon? Anak ba ni Bi Dam ‘yun? At ang pinakamasakit na tanong—May iba na bang mahal si Bi Dam ngayon? Hindi na ba siya ang nasa puso nito? Naninikip ang kanyang dibdib kaya pinilit niyang kumalma. Sa sobrang pagod na rin siguro ng katawan at isipan niya nakatulog na siya nang hindi niya namamalayan.
Kinabukasan, habang nasa labas siya ng Palasyo ng Hari dumating si Punong Heneral Yu Shin.
Yu Shin: Kamahalaan, may diramdam ba kayo? Parang ang lalim ng inyong iniisip.
Deok Man: Hindi, wala naman. ‘Wag mo akong alalahanin.
Yu Shin: Si Prinsipe Chun Chu nga pala ay nagtungo na sa Chu Wa ngayon upang isigawa ang inyong iniutos.
Deok Man: Mabuti naman. Nais kong pamunuan niya ang pagpapatatag ng himpilan doon. Tiwala ako sa karunungang taglay ni Chun Chu kaya namang alam kong magiging matibay ang pundasyon at mahirap sakupin ang himpilang itatayo niya.
Yu Shin: Tama kayo, Kamahalan. Mayroon nga palang isang bata kanina ang nanggugulo sa labas ng palasyo at nais daw kayong makausap. Pero ‘wag na kayong mag-alala. Pinaalis na namin siya.
Deok Man: Isang bata? At nais niya akong makausap? Bakit niyo siya pinaalis nang hindi man lang ipinaalam sa’kin?
Yu Shin: Patawad, Kamahalan. Mga nasa apat na taong gulang lamang ang batang iyon, kaya naman naisip ko na naglalaro lamang siya sa labas…
Deok Man: Ano pang hinihintay mo? Habulin niyo siya. Kailangan kong alamin ang pakay niya.
Yu Shin: Masusunod, Kamahalan.
Nakaharap na ni Deok Man ang bata. Ito ang batang babaeng tumatawag kay Bi Dam nang ama.
Deok Man: Iwan niyo muna kami ng batang ito.
Naiwan silang dalawa sa silid tanggapan ng reyna.
Deok Man: Pa’no ka nakarating dito?
Batang Babae: Alam ko po na kayo ang hari ng Silla dahil narinig ko pong tinatawag kayong Kamahalan ng kasama niyo kahapon. Nagtanong ako kung saan ang papuntang palasyo. Akala ko hindi ko na kayo makakausap buti na lang pinabalik nila ako.
Deok Man: May nais ka raw sa’king sabihin? Pinapunta ka ba dito ng iyong ama? (masakit para sa kanya ang sabihin ang salitang ama)
Batang Babae: Hindi po. Ako lang ang nagpunta dito. At hindi po ‘to alam ni Ama.
Deok Man: (nagulat siya sa sinabi ng bata) Kung gano’n bakit nais mo akong makausap?
Batang Babae: Kahapon po kasi nakita kong pumatak ang inyong luha at malungkot ang inyong mukha. Siguro po dahil ‘yon kay Ama. Kaya narito ako upang humingi ng paumanhin para sa kanya. Alam niyo po kasi si Ama, madalas hindi niya pinag-iisipan ang sasabihin niya sa ibang tao kaya hindi niya sinasadyang masaktan ang dadamdamin ng iba. Pero sana po pagpasensyahan niyo na lang siya. Pero kung iniisip niyo po na masama siyang tao, nagkakamali kayo. Si Ama na ang pinakamabait na taong nakilala ko. Madalas itinatago niya ang kanyang tunay na damdamin at ikinukubli ang kanyang emosyon ngunit likas ang kabutihan sa kanyang puso.
Deok Man: (hindi niya alam kung ano ang dapat niyang maramdaman pero natutuwa siya sa katalinuhan ng batang ito. Tama, natutuwa siya at pinagtatakhan niya iyon. Bakit sa halip na magalit ay magaan pa ang loob niya sa bata. Nakikita niya kasi ang dating sarili sa batang iyon. Walang takot itong pumunta sa palasyo para lang makaharap siya.) ‘Wag kang mag-alala. ‘Wag mo nang isipin iyon. (sa wakas at may naisip na siyang sabihin)
Batang Babae: Kung gano’n po Tiya pinapatawad niyo na si Ama? Ang saya-saya ko! Ano nga po palang pangalan ninyo?
Deok Man: (may pangalan pa ba siya, hindi ba’t nawala na ‘yon nang siya ay maging isang hari?) Deok Man, tama ako si Deok Man. (hindi niya alam kung bakit niya iyon nasabi)
Batang Babae: Kung gano’n Tiya Deok Man na ang itatawag ko sa inyo mula ngayon. (nakangiting sabi nito)
Deok Man: Sige, kung ‘yan ang gusto mo. (hindi niya talagang magawang magalit sa batang babae at nakuha pa niya ang ngumiti)
Batang Babae: Ang ganda niyo po talaga, lalo na ‘pag nakangiti kayo.
Deok Man: Kabata-bata mo pa marunong ka ng magsinungalin. (nakatawang sabi niya pero nasiyahan naman siya sa sinabi ng bata)
Batang Babae: Naku, hindi po ako nagsisinungalin, magagalit po si Ama. Iyon daw po ang makakasira sa tiwala sa’kin ng mga tao.
Deok Man: (natigilan siya sa sinabi nito) Pwede bang magkwento ka pa tungkol sa iyong ama?
Nagkwentuhan sila sa at natutuwa talaga si Deok Man sa batang ito. Nakakatuwa ang mga sinasabi nito tungkol kay Bi Dam. At nawiwili naman siya sa pakikinig.
Deok Man: Baka nag-aalala na sa’yo ang iyong ama?
Batang Babae: Ay, patay na po talaga ako do’n, dahil hindi ako nagpaalam. (nangamot pa ito ng ulo)
Deok Man: Nais ko sanang makasabay ka na sa pananghalian para makapagkwentuhan pa tayo. Ako na lang ang kakausap sa ama mo para hindi ka niya pagalitan. (kinagigiliwan niya talaga ang batang ito, kung hindi lang imposible ay baka inakala na niya na anak niya ito, sana nga anak na lang nilang dawala ni Bi Dam ang batang ito)
Batang Babae: Maraming salamat po talaga Tiya Deok Man.
Al Cheon: (pumasok sa loob ng silid-tanggapan ng reyna) Patawad, Kamahalan, pero… ang dating punong ministro nasa labas (pabulong na nasabi ni Al Cheon)
Deok Man: (nanlaki ang mga mata niya, at labis na nagulat sa tinuran ng punong ministro) Papasukin mo siya.
Bi Dam: (pumasok ito sa silid-tanggapan)
Deok Man: Al Cheon, ilabas mo muna ang bata.
Sinunod ni Al Cheon ang utas ng reyna, kaya naman naiwan silang dalawa sa loob ng silid.
Deok Man: (hindi niya matingnan ng diretso ang mga mata ni Bi Dam, ni hindi rin siya makatingin sa mukha nito) ‘Wag mo sanang pagalitan ang iyong anak dahil umalis siya nang hindi nagpapaalam. (hindi niya alam kung saan magsisimula kaya ito na lang ang kanyang sinabi)
Bi Dam: ‘Wag mo na siyang idamay. Ako lang ang may kasalanan ng lahat kaya ‘wag mo nang pakialaman ang mag-ina ko, Kamahalan. (nakayuko rin ito at hindi rin makatingin ng diretso sa reyna)
Deok Man: (ano raw? Ano ang kanyang narinig? ‘Wag silang idamay? Mag-ina ko? Labis na sakit ang idinulot nito sa kanya, naninikip ang kanyang dibdib sa hinanakit kay Bi Dam.) Bi Dam! Ano ba’ng sinasabi mo? Pa’no mo nasasabi ‘yan sa’kin ngayon?
Bi Dam: Hindi ba’t kaya mo ko hinanap upang pagbayarin sa ginawa kong pag-aaklas. Nalaman mong buhay pa ko kaya nais mong ipapatay muli ako sa pangalawang pagkakataon. (masakit para sa kanya na sabihin ang mga salitang ito lalo na at alam niya na masasaktan din ang reyna, sandali lang masasaktan nga ba siya?)
Deok Man: (namumula na ang kanyang mga mata at nais na niyang umiyak, ngunit hindi maaari dahil kailangan niyang magpakatatag at ayaw niyang magpakita ng kahinaan)
Bi Dam: Alam kong kasalanan ko naman ang lahat ng iyon at ginawa mo lang ang tungkulin mo, Kamahalan. Pero walang kinalaman ang bata dito. Hayaan mong ihatid ko siya sa kanyang ina pagkatapos ay kahit anong oras maaari akong pumunta rito para harapin ang aking katapusan. Ipag-utos mo lang, at ako na ang magkukusang tapusin ang sarili kong buhay.
Deok Man: (sa wakas at nagkalakas na siya ng loob upang titigan si Bi Dam, hindi na ito ngayon nakayuko, parang nakatitig na rin sa kanya ngunit hindi pa rin ito makatingin ng diretso.) Ganyan ba talaga ang tingin mo sa’kin Bi Dam? (tuluyan ng tumulo ang luha niya.)
Bi Dam: (lumuluha na ang kanyang minamahal, pero wala naman siyang karapatang patigilin iyon, sa katunayan siya nga ang dahilan kung bakit pumatak ang luha nito. Hindi niya alam kung ano na ba ang dapat sabihin. Nasasaktan na siya dahil nasasaktan si Deok Man. Kung sabagay tama naman siya. Iniutos naman talaga ni Deok Man ang kanyang kamatayan. At kailangan na rin nilang kalimutan ang isa’t-isa. Ito na ang pinakamabuti nilang gawin ngayon.) Kamahalan, patawarin mo sana ang iyong lingkod na si Bi Dam sa pagtataksil sa iyo. Wala na kong karapatang mabuhay, at hindi na rin kita kayang harapin pa.
Deok Man: Kung magsalita ka, parang gano’n lang kadali ang lahat. Pa’no mo ‘yan nasasabi lalo na ngayong may sarili ka ng pamilya? Kung alam mo lang kung gaano kasakit ang mawalan ng ama at… minamahal.
Bi Dam: Kamahalan, iyon ang kapalaran ni Bi Dam na kailangan nilang tanggapin.
Deok Man: Umalis ka na, maaari ba?! Iuwi mo na iyong anak. Ngunit sana lang ay ‘wag mo na siyang pagalitan dahil wala naman siyang kasalanan.
Umalis na si Bi Dam kasama ang batang babae. Tahimik na nangyari ang mga naganap na ito kaya walang nakakilala sa dating punong ministro. Ngunit nang palabas na ang ‘mag-ama’ ng palasyo, nasulyapan sila ni Yu Shin na noon naman ay mag-uulat sana sa reyna. Hindi sigurado si Yu Shin sa nakita dahil may kalayuan din ang distansya ng mga ito nang makita niya si Bi Dam, at isa pa imposible namang buhay pa ang dating punong ministro dahil nasaksihan niya mismo ang pagpanaw nito. Sa katunayan, ay sa mga kamay pa niya nabawian ng buhay si Bi Dam.
Pauwi sa kanilang tinitirahan, nagsimulang pagalitan ni Bi Dam ang ‘anak’.
Bi Dam: Bakit ka nagpunta sa palasyo? Hindi ba’t sinabi ko na sa’yo na ‘wag na ‘wag kang aalis nang hindi nagpaaalam?
Batang Babae: Ama, naaawa kasi ako kay Tiya Deok Man. (mahina at malungkot ang pagkakaksabi niya dito)
Bi Dam: Tiya Deok Man? Naririnig mo ang sinasabi mo? Wala kang karapatang tawagin ng ganyan ang Kamahalan. Isa ‘yang malaking kasalanan. (galit ang tinig nito)
Batang Babae: Ngunit siya mismo ang nagbigay ng pahintulot na tawagin ko siyang Tiya Deok Man (kinamot pa nito ang ulo)
Bi Dam: Hindi ba’t sinabi ko na sa’yo na ‘wag na ‘wag mo siyang tatawaging…
Batang Babae: Ama, ‘wag na kayong magalit. Nagpunta ako do’n dahil nakita ko siyang umiyak noong minsang pumunta siya sa atin. Gusto ko lang po sanang tiyakin kung ayos lang siya.
Bi Dam: (nasaktan siya dahil naiyak pala ang mahal na reyna noong araw na ‘yon nang dahil sa kanya) Hindi mo pa rin dapat ginawa ‘yon. Magpasalamat ka at iniutos ng Kamahalan na ‘wag kang parusahan kung hindi ay hindi ko talaga papalampasin ang ginawa mong ‘to.
Batang Babae: Ama, alam niyo po kanina noong kausap ko si Tiya Deok…ang Kamahalan pala, nalaman ko na napakabait niyang tao. Tapos nakita ko pa siyang ngumiti, lumabas tuloy ang angking niyang kagandahan. Teka Ama, may asawa na ba siya? Sino po ang asawa ng reyna? Sabihin niyo sa’kin, Ama. (halata ang kapanabikan nito na malaman ang kasagutan sa tanong na tinuran)
Bi Dam: (natigilan siya ngunit alam niyang kailangan niyang sagutin iyon) Sa pagkakaalam ko anak, wala pang mapalad na pinapakasalan ang Kamahalan. (saka ito ngumiti ngunit may pait doon)
Batang Babae: Bakit po? Hindi po ba siya marunong magmahal? (bahagya itong nalungkot)
Bi Dam: (bumuntung-hininga siya, at nag-isip ng isasagot sa tanong ng kanyang ‘anak’) Nagkakamali ka. Hindi sa gano’n. Marunong siyang magmahal. Tama… (napangiti ito ngunit may pait pa rin itong kasama) at kapag nagmahal siya ibinibigay niya ang lahat sa kanyang minamahal.
Batang Babae: Kung gano’n, bakit wala pa siyang asawa? Siguro hindi siya mahal ng taong minamahal niya, tama po ba ‘ko?
Bi Dam: (hindi siya mahal? Ito ang tumimo sa isip niya mula sa tanong ng apat na taong gulang na bata. Pagkatapos mag-isip ay muling ibinaling niya ang atensyon sa kausap. Umiling siya dito at saka ngumiti.) Mali ka, nakikita mo ba ang lahat ng ‘to? (saka itinuro ang buong paligid kung saan makikita ang maraming tao at ang kalawakan ng Silla) Ang buong Silla, mahal na mahal nila ang reyna. (saka hinawakan ang ulo ng bata)
Batang Babae: Ha? Ang buong Silla ang minamahal ng Kamahalan?
Bi Dam: Tama ka. (tuluyan na ngang nawala ang galit niya sa ‘anak’) Ang bawat mamamayan ng Silla ang minamahal ng Kamahalan, ang kanyang buong nasasakupan.
Batang Babae: Ahhh…(naliwanagan ito sa sinagot ni Bi Dam) Mahal ka niya , at mahal mo rin siya Ama, tama?
Natigilan si Bi Dam, nagulat siya sa sinabi ng ‘anak’.
Batang Babae: At gano’n din ako, kasi mamamayan tayo ng Silla. (nakatawang tinuran ang mga sinabi ngunit pamaya-maya ay natigilan) Pero…hindi naman niya pwedeng maging asawa lahat ng tao dito. (sabay kamot sa ulo)
Bi Dam: (natawa na rin siya nang malaman ang tunay na kahulugan ng sinabi ng ‘anak’ kanina) Sinong nagsabi sa’yo na hindi ‘yan maaari? Nang maging hari siya ng bayang ito, para na rin siyang kinasal sa buong Silla.
Batang Babae: Kawawa naman pala ang lalaking magmamahal sa Kamahalan, kasi hindi na sila pwedeng ikasal dahil kasal na siya sa Silla.
Bi Dam: Ang mga maharlika maaaring magpakasal ng ilang ulit. (pabiro itong nagpaliwanag sa ‘anak’)
Batang Babae: Alam ko na ‘yun, Ama. Pero hindi pa rin pwede kasi hindi ‘yon patas. Pa’no na ‘yung iba pa niyang minamahal? Pa’no na ‘yung buong Silla?
Bi Dam: (nag-isip nang malalim ngunit patuloy pa rin sa paglakad)
Sinalubong sila ni Tuks at inaya na silang mananghalian.
Bi Dam: ‘Yung anak mo pagsabihan mo para hindi na gumawa ng kapilyuhan.
Tuks: Naku, may ginawa ka na namang kalokohan. Ikaw talagang bata ka. (medyo pagalit ‘yon pero may lambing pa rin ang pakikipag-usap sa anak)
Batang Babae: Nagpapakabait naman po ako e. (saka ito ngumiti)
Pagkatapos nilang kumain nag-usap sina Tuks at Bi Dam.
Bi Dam: Kumusta naman na ang pasyente mo?
Tuks: Mabuti na ang matanda. Maaari ko na ring iuwi mamaya ang bata total naman wala na ‘kong masyadong aalahanin ngayon, at kaunti na lang rin naman ang nagpapagamot.
Bi Dam: Ayos lang naman kung manatili muna siya rito.
Tuks: Hindi na pwede. Masyado na kaming nakakaabala sa’yo. At tingnan mo nga ang kakulitan ng batang ito. (saka itinuro ang bata na may ginagalaw na kung ano sa mesa ni Bi Dam)
Bi Dam: (ngiti lang ang isinagot sa kausap)
Malapit nang sumapit ang gabi ngunit nasa labas pa rin ang Kamahalan at tila malalim na naman ang iniisip.
Yu Shin: Kamahalan, paumanhin pero mukhang balisa na naman kayo. May gumugulo ba sa inyong isipan?
Deok Man: Yu Shin, sabihin mo nga gano’n ba talaga ako kasama?
Yu Shin: Kamahalan, kailanman hindi kayo naging masama. Umunlad ang bayang ito dahil sa inyong kabutihan, at alam ‘yan ng lahat ng mamamayan ng Silla.
Deok Man: Tama ka, naging mabuti nga akong reyna, pero naging napakasama ko namang kaibigan.
Yu Shin: Hindi ‘yan totoo, Kamahalan. Napakabuti niyo sa lahat. Kung may mga nagawa man kayong hindi maganda noon natitiyak kong ginawa niyo naman ‘yon para sa ikabubuti na nakakarami.
Deok Man: Kung gano’n bakit? (Bakit iniisip niyang ipapatay ko siya? Gano’n ba ko naging kalupit sa kanya? Bakit gano’n ang tingin niya sa’kin?)
Yu Shin: Bakit ano, Kamahalan?
Deok Man: Nagbalik na si dating Punong Ministro Bi Dam.
Yu Shin: (nagulat at napatunayan ka niyang si Bi Dam ang nakita kanina)
Deok Man: Buhay siya at nagpunta siya rito kanina.
Yu Shin: Nakita ko nga siya, Kamahalan. Ngunit kanina ay hindi pa ako sigurado.
Deok Man: Nagulat ka siguro. Maging ako ay hindi makapaniwala. (hindi siya nakatingin kay Yu Shin, sa halip ay diretso lang ang kanyang tingin sa kawalan) Alam mo ba’ng sinabi niya? Pinahanap ko raw siya upang matiyak ang kanyang kamatayan.
Yu Shin: (nagulat muli sa sinabi ng mahal na reyna. Hindi siya makapaniwala na sasabihin iyon ni Bi Dam)
Deok Man: Nabuhay siya bilang ibang tao, at kinalimutan na nang tuluyang ang kautahan niya bilang si Bi Dam. Siguro naisip niya na tuluyan nang patayin si Bi Dam dahil iyon naman ang iniutos ko, ang tapusin ang kanyang buhay.
Yu Shin: Kamahalan, nasa inyo ang lahat ng karapatang bawiin ang utos na iyon at isa pa napatunayan namang naipit lang ang dating punong minis…
Deok Man: (pinutol niya ang nais sabihin ni Yu Shin) Hindi maaari…At isa pa, huli na ang lahat, ang kilala kong si Bi Dam… wala na. Ibang tao na ang nakausap ko kanina. Hindi na siya si Bi Dam…at may sarili na siyang buhay at wala na akong papel doon… maliban sa pagiging hari ng bayang kanyang kinaroroonan. (may sakit sa mga binitiwang salita)
Yu Shin: Kamahalan… (may pagkaawa ang tinig. Wala na siyang mahagilap na sabihin para pagaanin ang kalooban ng reyna na alam niyang sobrang naghihirap.)
Deok Man: ‘Yung bata kanina na nais makipag-usap sa’kin ay anak niya. Maswerte siya at nagkaroon siya ng matalino at masayahing anak. (ngumiti ito ngunit may kasamang pait iyon)
Yu Shin: (nagulat na naman siya sa sinabi ng reyna. Hindi pa nga siya makapaniwala sa isa ay susundan na naman ito ng isa pang malaking rebelasyon.) Kamahalan, nakasisiguro ba kayo sa bagay na ‘yan?
Deok Man: (buntung-hininga lang ang sinagot niya sa tanong ni Yu Shin)
Pagkatapos ay tinungo na ng reyna ang kanyang silid. Nais na niyang magpahinga dahil naninikip na naman ang dibdib niya ngunit hindi naman niya alam kung bakit. Baka dahil sa pagod o sa sama ng loob, pwede ring dahil sa kalungkutan at pag-iisa o kaya naman ay sinusumpong na naman siya ng sakit niyang matagal-tagal na ring hindi siya ginagambala. Halu-halo na, at hindi na niya alam kung ano na ang dapat maramdaman. Masakit na rin ang ulo niya kakaisip ng mga bagay-bagay. Malamang hindi na naman siya makakatulog sa buong magdamag. Pinilit niya pa ring makatulog kahit sandali lang, ayaw na niyang maapektuhan pa ang kanyang kalusugan. Nais naman niyang magpakatatag ngayon para na rin sa kinabukasan ng bayan ng Silla, marami pa siyang nais ituro kay Chun Chu bago niya tuluyang ipasa rito ang korona. Marami pa siyang kailangang gawin para sa bayang ito. Iaalay na lang niya ang natitira pang buhay para sa Silla. Wala naman na kasing iba pang dahilan para mabuhay siya kundi ang bayang ito na lang.
Kinabukasan, kinausap ni Yu Shin si Al Cheon upang alamin pa ang ibang detalye tungkol sa muling paglitaw ng dating punong ministro. Dahil sinabi naman na ng reyna kay Yu Shin ang katotohanang buhay ito, sinagot na rin ni Al Cheon ang mga tanong ng punong heneral tungkol sa pagbabalik ni Bi Dam. Dama ni Yu Shin ang kalungkutan ng reyna, kaya siya man ay apektado sa mga nangyayari. Nag-isip siya kung ano nga ba ang maaari niyang gawin sa ganitong sitwasyon.
Samantala, palihim na nagbalik si Al Cheon sa pamayanang kinaroroonan ni Bi Dam upang mag-imbestiga tungkol sa batang babae. May nakapagsabi sa kanya na kasama raw nito ang ina na isang manggagamot. Nagpunta raw sila sa kabilang bayan upang dalawin ang isang pasyente.
Al Cheon: Kung gano’n po sa’n ko sila pwedeng hintayin? Ang sinasabi niyong manggagamot na nagngangalang Tuks at ang kanyang anak do’n ba tumutuloy sa bahay ni Bi… A..ang ibig kong sabihin bahay ni Hyeong Jong?
Bago pa man makasagot ang kausap ni Al Cheon ay lumapit sa kanila ang isang babae at akay nito ang kanyang anak.
Tuks: Anong kailangan mo sa’kin? May ipapagamot ka ba?
Al Cheon: Nais ko lang sana na kayo’y makausap.
Tuks: Kung hindi tungkol sa medisina, maaari ka nang umalis dahil wala akong maitutulong sa’yo. (akmang aalis na ito kasama ng anak)
Al Cheon: A…sandali lang! Mayroon isang taong malapit sa’kin ang naghihirap ngayon dahil sa isang hindi matukoy na karamdaman. Sana ako ay iyong matulungan. (alam niyang wala ng ibang paraan kundi ang magsinungalin)
Nagulat si Al Cheon nang patuluyin siya ni Tuks sa bahay nito. Hindi ito ang lugar kung saan nila nakita si Bi Dam noong isang araw.
Tuks: Nasa’n ang taong may karamdam…(natigilan siya ng makita ang pagkagulat sa mukha ni Al Cheon) Oo nga pala, hindi mo inaasahan na ito ang aking tirahan. Bakit mo nga pala naisip na sa bahay mo ko ni Hyeong Jong tumutuloy?
Al Cheon: Noong minsan kasi ay nakita ko ang batang iyan sa bahay niya, at tinatawag pa siyang ‘ama’ nito kaya naman naisip ko na anak niya ang batang ito at ikaw ang kanyang asawa.
Tuks: (natawa sa sinabi ni Al Cheon) Hindi ka taga-rito, tama? Lahat ng mamamayan sa bayang ito ay alam na iniwan ako ng asawa ko, at ‘yun ay dahil sa matatas kong anak. (saka nito pinisil ang pisngi ng anak niya)
Batang Babae: Tama po ‘yun. Iniwan ako ng tunay kong ama. Pero alam kong may dahilan kung bakit niya ‘ko tinalikuran, kaya ayos lang sa’kin ‘yun. Sa totoo dapat pa nga akong magpasalamat dahil mayroon akong napakabait at napakagandang ina.
Al Cheon: Kung gano’n…hindi mo ama si…
Tuks: Nakasanayan na niyang tawaging ama si Hyeong Jong, siya kasi ang tumulong sa’kin upang palakihin ang batang iyan. Parang kabayaran na rin ‘yun sa dating tulong na ibinigay ko sa kanya. Pilya kasi ang batang ito kaya minsan ko lang siya isinasama sa pagdalaw ko sa mga pasyente, madalas ay iniiwan ko siya kay Hyeong Jong.
Al Cheon: Gano’n ba? (halata ang pagkagulat ngunit nababakas din ang kagalakan sa kanyang mukha)
Tuks: Sino na nga ‘yung may sakit na sinasabi mo?
Al Cheon: Ang totoo niyan medyo magaling na siya. Kailangan lang ata ng pahinga. Sige, maraming salamat. (nagmamadaling umalis)
Tuks: Teka…sandali lang. Sigurado ka bang ayos na ang kalagayan niya? (alam niya na hindi na siya narinig ni Al Cheon dahil may kalayuan na ito) Hay, sana nga ayos na ang taong sinasabi niya. Nagpasalamat pa siya, wala naman akong naitulong.
Humahangos si Al Cheon pabalik ng palasyo. Alam niya na matutuwa ang Kamahalan sa kanyang ibabalita kaya naman talagang nagmamadali siya pabalik ng Soraebol. Kaagad niyang kinausap ang reyna kahit hinihingal pa siya sa pagtakbo.
Al Cheon: Patawad, Kamahalan kung naistorbo ko kayo ngayon. Pero kailangan niyong malaman ang aking natuklasan.
Deok Man: Kung tungkol sa dating punong ministro, ‘wag ka nang mag-abala pa. ‘Wag ka nang mag-aksaya ng panahon dahil simula ngayon wala na akong pakialam sa kanya. Si Bi Dam tuluyan ko nang ituturing na patay.
Al Cheon: Pero Kamahalan, nais ko lang po sanang ipaalam na…
Deok Man: Simula ngayon, ayoko nang makaririnig ng kahit anuman tungkol sa dating punong ministro. Ituturing kong kasalanan ang pagbanggit sa kanyang pangalan.
Al Cheon: Patawad, Kamahalan…pero kailangan kong sabihin ito kung hindi ay ‘di talaga ako matatahimik.
Deok Man: (tumingin nang masama kay Al Cheon)
Al Cheon: Kamahalan, ang batang iyon ay hindi anak ni Bi Dam. Anak lamang ito ng isang manggagamot na iniwan ng kanyang asawa. Malapit sa kanya ang dating punong ministro dahil tinulungan daw niya ito dati at malamang ibinabalik lang ng nito ang utang na loob. Nakasanayan lang daw ng bata ang tawagin siyang ama dahil madalas si Bi Dam ang nag-aalaga dito kapag ginagamot niya ang kanyang mga pasyente sa kabilang bayan.
Deok Man: (nagulat siya sa sinabi ni Al Cheon ngunit hindi iyon gaaanong mababakas sa kanyang mukha. Bumuntung hininga siya at saka nagsalita.) Al Cheon, salamat sa pag-aabala mo para lang alamin ang katotohanan tungkol sa bagay na iyan…pero simula ngayon ayoko nang masayang ang panahon ng kahit sinuman sa paggugugol sa isang bagay na wala namang kinalaman sa Silla. Alam kong kasalanan ko ang lahat ng ito. Noong una pa lang, dapat hindi ko na inungkat pa ang nakaraan. Alam kong nagkamali ako. Ngayon, ibabaon ko na ang lahat sa kahapon. (natuwa man siya dahil hindi anak ni Bi Dam ang bata, naroon pa rin ang posibilidad na may namamagitan na sa kanila ng manggagamot na tinuran ni Al Cheon. Ayaw na niyang maabala pa ang punong ministro at ang iba pang tao nang dahil lang nagpadala na naman siya sa kanyang damdamin.)
Al Cheon: Masusunod, Kamahalan. Ngunit ayokong tandaan ang mga sinabi ninyo tungkol sa pagkalimot ng nakaraan. Ang pait ng kahapon kailangan mong gawing sandata ng ngayon para harapin ang isang matatatag na bukas. At isa pa kailanman hindi natin mauutusan ang ating isipan na kalimutan ang mga bagay na ayaw na nating alalahanin. Lalo na ang puso, kailanaman hindi ito makakalimot sa halip habang buhay itong magmamahal. (yumukod na siya sa reyna at umalis sa silid-tanggapan nito.)
Deok Man: (Ang pait ng kahapon kailangang gawing sandata ng ngayon para harapin ang isang matatag na bukas? Hindi kailanman mauutusang kumalimot ang isipan lalo na ang puso dahil habang buhay itong magmamahal?—ito ang mga katagang tumimo sa isip niya. Hindi siya nakasagot nang sabihin ito ni Al Cheon dahil alam niyang tama naman ito.) Habang buhay na magmamahal? Ngunit bakit? Bakit siya ang bilis niyang makalimot? (mahina lang ang kanyang tinig at alam niyang siya lang ang nakarinig no’n pero damang-dama ang hinanakit sa kanyang binitiwang salita.)
Samantala, habang tahimik ang lahat, umalis si Punong Heneral Yu Shin at nagtungo sa tirahan ni Bi Dam. Nalaman niya kay Al Cheon ang eksaktong lugar kung nasa’n ang dating punong ministro. Tila nakapag-isip na ito ng susunod na hakbang nang hindi ipinaalam sa mahal na reyna.
Narating na ni Yu Shin ang kinaroroonan ni Bi Dam. Hindi naman siya nabigo dahil naabutan naman niya ito dito. Umupo si Yu Shin sa tanggapan ni Bi Dam.
Bi Dam: (nginitian si Yu Shin) Ngayon na ba? Ngayon na ba ‘ko pinahuhuli ng reyna?
Yu Shin: Ano ba’ng sinasabi mo?
Bi Dam: At talagang ikaw ang ipinadala niya upang dakpin ako.
Yu Shin: Bi Dam! Pwede ba tumigil ka na! Pa’no mo naisip na kayang gawin ‘yan ng reyna?
Bi Dam: Bakit? Hindi ba? Tama naman ako, ‘di ba? Narito ka para patayin ako.
Yu Shin: Bi Dam, nagpunta ako ditong mag-isa, hindi dahil iniutos sa’kin ng reyna.
Bi Dam: (naging seryoso ang mukha) Kung gano’n, bakit ka narito? Ano ba’ng pakay mo?
Yu Shin: Nandito ako alang-alang sa Kamahalan.
Bi Dam: Hmmm…(ngumisi ito) Mahal na mahal mo talaga ang reyna.
Yu Shin: Bi Dam! (tumingin ito ng masama at halata na ang galit nito, nagpigil siya at bumuntung hininga) Nandito ko upang ipaalam sa’yo ang kalagayan ng reyna. Alam mo ba nitong mga nakaraang araw lagi na lang siyang balisa at tila laging malalim ang iniisip. Hindi na rin siya kumakain ng maayos ayon sa kanyang tagapaglingkod. Nahihirapan na naman siyang makatulog sa gabi kaya lagi siyang dinadalaw ng manggagamot. Alam mo bang hirap na hirap na siya sa sitwasyon?
Bi Dam: (nagulat siya sa sinabi ni Yu Shin at halata ang pag-aalala sa kanyang mga mata pero tila naisip niya na imposible naman na siya ang dahilan no’n kaya wala rin siyang magagawa upang bumuti ang kalagayan ng reyna.) Wala na akong magagawa kung gano’n. Bakit hindi ikaw ang magpagaan ng loob niya?
Yu Shin: Sadya bang tuluyan nang pumurol ang ulo mo Bi Dam! Walang makapagpapagaan ng loob ng reyna kundi ikaw lang. Sinabi ko na sa’yo noon pa na ikaw lang ang pwede niyang makaramay at masandalan.
Bi Dam: ‘Yan ba ang iniisip mo. Tila ikaw ata ang pumupurol ang utak. (lumungkot ang mukha nito) Sa puso niya wala nang papalit sa bayan ng Silla at… sa’yo Yu Shin. (mahina na lang iyon, at halatang masakit para sa kanya ang binitiwang salita. Pero kailangan niyang sabihin iyon dahil iyon ang katotohanan, katotohanang kailangan niyang tanggapin.)
Yu Shin: Nasisiraan ka na ngang talaga, Bi Dam. Kilabutan ka sana sa mga sinasabi mo. Mag-isip ka nga, sa tingin mo ano’ng nararamdaman niya ngayong nalaman niyang ang kanyang si Bi Dam, wala na sa kanyang tabi at tuluyan na siyang kinalimutan? Kung alam mo lang kung gaano naghihirap ang kanyang kalooban, at higit sa lahat kung gaano nasasaktan ang kanyang puso. Gustuhin ko man, hindi ko kayang pagaanin ang kanyang kalooban dahil ikaw lang ang makakagawa no’n. (tumigil ito sanadali, ngunit nagpatuloy din) Pag-isipan mo ang mga sinabi ko, Bi Dam. (nilisan ang tirahan ni Bi Dam at tuluyan nang bumalik sa palasyo.)
Bi Dam: (naiwan siyang mag-isa sa silid na iyon. Tulala siya at hindi mawari kung ano’ng naglalaro sa kanyang isipan. Gayunpaman, bakas ang kalungkutan sa kanyang mukha, at nangingilid na rin ang kanyang mga luha.) Kamahalan, hindi mo na naman inaalagaan ang sarili mo. (mahina lang ang tinig na iyon, pagkatapos ay tuluyang bumagsak ang isang patak ng luha mula sa kanya)
Nang sumikat muli ang araw kinabukasan, wala na ang reyna sa kanyang silid. Tanging sulat lamang para kay Chun Chu ang naiwan doon. Abala sina Punong Heneral Yu Shin at Punong Ministro Al Cheon sa paghahanap kung nasaan ang reyna.
Napilitang magpatawag ng pulong sa bulwagan si Chun Chu upang pakalmahin ang mga ministro at maharlika tungkol sa usapin sa pagkawala ng reyna.
Chun Chu: Nagpatawag ako ng pulong upang ipaalam sa inyo ang kinaroroonan ng reyna. Mali ang kumakalat na balita na nawawala siya at hindi rin siya nadukot ng mga taga-Baekje.
Yong Chun: Kung ganoon, nasaan ang Kamahalan? Bakit siya umalis ng Soraebol?
Chun Chu: Hindi siya umalis ng Soraebol. Sa katunayan…
Deok Man: Hindi talaga ako umalis. Naisipan ko lang maglakad-lakad sa paligid ng palasyo. (bigla siyang pumasok sa bulwagan)
Nagulat ang mga ministro at ang iba pang naroroon sa pagdating ng reyna.
Deok Man: Ngunit dahil nandito na rin lang kayo may nais akong ipaalam. (nasa harapan na siya ng mga ito) Nilalayon kong patatagin ang palasyo sa Yulpoyaen. Bilang paghahanda na rin iyon kung sakaling manganib ang Soraebol. Kailangan nating maging handa kung nais nating tuparin ang dakilang layuning pag-isahin ang tatlong Han.
Chun Chu: Kung ganoon Kamahalan, ako na ang bahalang mamahala sa bagay na iyan.
Deok Man: Hindi. Ako mismo ang pupunta roon upang mamahala. (tiningnan niya si Chun Chu at para bang sinasabi na “itutuloy ko ang balak ko”)
Al Cheon: Ngunit Kamahalan, hindi niyo maaaring iwan ang Soraebol nang gano’n kadali.
Deok Man: Iiwan ko ang Soraebol sa pamamahala ni Chun Chu at Punong Ministro Al Cheon. Isang paghahanda na rin ito para kay Prinsipe Chun Chu na siyang tagapagmana ng aking korona.
Chun Chu: Pero Kamahalan…
Deok Man: Hindi rin ako magtatagal sa Yulpoyaen. ‘Pag nakita kong maayos na ang lahat babalik ako kaagad ng palasyo, sapat na ang tatlong araw kong pananatili roon. Aasahan kong agad ninyong ipaalam sa’kin kung sakali mang may mangyaring hindi inaasahan. Kaagad niyo naman akong mapupuntahan. Maaasahan ko ba ang inyong kooperasyon?
Lahat: Opo, Kamahalan.
Sa silid-tanggapan ng reyna, naroon sina Punong Heneral Yu Shin, Punong Ministro Al Cheon at Prinsipe Chun Chu kasama ang reyna.
Deok Man: Hindi niyo na kailangang maghanda sa aking pag-alis. Inayos ko na ang lahat.
Yu Shin: Hayaan niyong sumama ako sa inyo, Kamahalan.
Deok Man: Hindi na kailangan. Sapat na ang magbabantay sa’kin. At isa pa wala namang banta sa ngayon ang Silla. Tahimik naman ang paligid.
Yu Shin: Pero Kamahalan…
Deok Man: ‘Wag na kayong mag-alala. Hindi ba’t sinabi ko nang ayos na ang lahat? At isa pa Yu Shin kailangan mo ring tumulong sa kanilang dalawa sa pagpapanatili ng kaayusan dito sa Soraebol habang wala ako.
Umalis na ang dalawa, ngunit nagpaiwan si Chun Chu.
Chun Chu: Kamahalan, ‘wag niyong ituloy.
Deok Man: Bumalik lang ako para hindi ka na masyadong mahirapan. Alam kong magkakaproblema sa pagpapaliwanag sa kanila kung nasaan ako.
Chun Chu: Pero Kamahalan…hindi maaari…delikado para sa inyo ang maglakbay. At isa pa, kapag nalaman nilang wala kayo sa Yulpoyaen…
Deok Man: ‘Wag kang mag-alala. Walang magdududa sa bagay na ‘yan.
Chun Chu: Maaaring tama nga kayo, Kamahalan, dahil lahat ng mga tauhan niyo ngayon ay tapat sa inyo at labis kayong pinagkakatiwalaan…pero pa’no kung may masamang mangyari sa inyo?
Deok Man: Kapag hindi ako nakabalik sa loob ng tatlong araw alam mo na ang nararapat mong gawin.
Chun Chu: Kamahalan…
Deok Man: Sa pangalawang pagkakataon, hinihingi ko ang iyong pang-unawa.Ngayon lang ako nagpasya para sa sarili ko. Sana maintindihan mo.
Chun Chu: (bumuntung hininga siya, alam niyang hindi na mapipigil ang reyna sa nais nitong mangyari) Wala na ‘kong magagawa kung ‘yan ang gusto niyo, Kamahalan. Pero pakiusap mag-iingat kayo. Ayokong nang mawalan ng isang taong mahalaga sa akin. (malungkot ang mukha)
Deok Man: (nginitian si Chun Chu. Alam niyang naaalala nito ang kanyang pumanaw na ina na si Cheon Myeong.)
Balisa si Bi Dam. Hindi siya mapakali sa kanyang inuupuan. Patayu-tayo siya at paikut-ikot sa loob ng kanyang silid. Lumabas na lang siya at pumunta sa pamilihang-bayan. Dito may nakita siyang nag-uusap na mga magsasaka tungkol sa pagpunta ng reyna sa Yulpoyaen.
Bi Dam: Sana naman ayos na ang pakiramdaman niya. (sa sarili na lang niya nasabi iyon)
Umalis nang mag-isa ang Kamahalan subalit hindi patungong Yulpoyaen kundi papuntang kabundukan. Nais niyang maglakbay upang hanapin ang kanyang sarili at makapag-isip-isip tungkol sa mga bagay-bagay. Nais niyang maliwanagan ang kanyang isipan.
Naupo siya upang damahin ang simoy ng hangin at ganda ng kalikasan. Hindi inaasahan nang may palaso ang muntik ng tumama sa kanyang dibdib buti na lang at naiwasan niya iyon.
Taga-Baekje 1: ‘Pag sinuswerte ka nga naman. Akalain mong natagpuan nating mag-isa ang reyna ng Silla.
Taga-Baekje 2: Tama ka. Tiyak na matutuwa ang Kamahalan sa ating pasalubong sa kanya.
Higit sa sampung tao ang sumalakay sa reyna. Alam niyang hindi siya mananalo sa mga ito ngunit binunot pa rin niya ang kanyang espada at nagtapang-tapangan. Agad naman siyang natalo ng mga taga-Beakje, pagkatapos ay iginapos siya. Hindi niya magamit ang syeopdo dahil nakakwintas ito sa kanya. Dinadala na siya ngayon ng mga taga-Baekje sa kampo nila malapit sa pinagkakitaan nila sa reyna.
Nagkataon namang naroon din si Bi Dam upang kumuha ng ilang halamang-gamot na ibibigay naman niya kay Tuks. Noong una ay hindi pa siya sigurado kung si Deok Man nga ang kanyang nakita dahil sa pagkakaalam niya ay nasa Yulpoyaen ito, pero nang lumingon ito, napagtanto niya na ang kanyang pinakamamahal bihag na ng mga taga-Baekje.
Dahil hindi naman gano’n kadami ang mga dumakip sa reyna agad namang natalo ni Bi Dam ang mga ‘yun nang hindi man lamang gumagamit ng sandata. Napilitang sumuko ang mga ito kaya nagtatakbo upang tumakas. Napansin ni Deok Man na hindi pa rin nagbabago ang galing ni Bi Dam sa pakikipaglaban pero kakaiba ata ito ngayon dahil pinili niyang saktan lang ang mga iyon imbis na patayin. Kahit wala itong dalang sandata, madali naman nitong maaagaw ang espada ng kalaban.
Bi Dam: (yumukod siya upang magbigay galang sa mahal na reyna) Kamahalan, sasamahan ko na kayo pabalik sa mga tagapagbantay niyo. Nasa’n na ba sila? Sigurado akong hinahanap ka na rin nila.
Deok Man: ‘Wag na. Kaya kong bumalik mag-isa. (nag-aalala siyang malaman ni Bi Dam na mag-isa lang siya at walang kasama ni isang hwarang upang siguruhin ang kanyang kaligtasan)
Bi Dam: (dahil sa abilidad na namana sa kanyang ina na si Mi Shil madali niyang nahalata na nagsisinungaling lamang si Deok Man) ‘Wag mong sabihing wala ka talagang kasamang nagpunta rito?
Deok Man: (hindi siya makatignin ng diretso kay Bi Dam dahil nga nabuko nito na nagsisinungaling lamang siya)
Bi Dam: Hindi ba’t sinabi ko na sa’yo na kapag ginawa mo pa ulit ‘to, hindi na kita ililigtas? Pa’no mo nagawang pumunta rito nang mag-isa? Alam mo namang malapit na ito sa hangganan papuntang Baekje. (halata ang galit ngunit nangingibabaw pa rin ang pag-aalala sa Kamahalan) Patawad Kamahalan. (nahalata ata niyang wala siya sa posisyon upang sabihin iyon sa reyna) Hayaan niyong samahan ko na kayo pabalik ng Yulpoyaen.
Deok Man: Pa’no mo nalamang…
Bi Dam: Narinig ko lang ang mga taumbayan na nag-uusap tungkol sa pagpunta niyo sa Yulpoyaen.
Deok Man: Kaya kong bumalik mag-isa. Iwan mo na ‘ko…
Tututol sana si Bi Dam nang may biglang nasilip siyang isang tag-Baekje na papanain ang reyna. Buti na lang ay naitulak niya ito kaagad at nakaligtas ito sa bingit ng kamatayan. Susundan sana iyon ni Bi Dam kaya lang ayaw niya ring iwang mag-isa si Deok Man at baka may magtangka na naman sa buhay nito.
Bi Dam: Ayos ka lang ba, Kamahalan?
Deok Man: O…oo, ayos lang ako. (hindi siya makapagsalita nang diretso dahil sa pagkabigla.)
Bi Dam: Umalis na tayo dito. Hindi natin alam kung may mga taga-Baekje pa sa paligid.
Inalalayan ni Bi Dam si Deok Man, nasa likod siya ng reyna upang mabantayan kung sakaling may umatakeng kalaban. Mabilis nilang nilisan ang lugar na iyon, halos tumatakbo na sila papalayo. Hindi inaasahang madapa ang reyna na naging dahilan upang magkasugat ito sa tuhod.
Masakit iyon ngunit alam ni Deok Man na hindi niya dapat indahin ‘yon. Ayaw niyang makita siya ni Bi Dam na nahihirapan.
Bi Dam: (nang makita niyang madapa ang reyna, agad niya itong inalalayan upang makatayo, hawak niya ang kamay nito.) Ayos ka lang, Kamahalan?
Deok Man: (bago pa man makalapit si Bi Dam pinilit niyang tumayo ngunit natalisod pa siya, kaya wala siyang nagawa kundi kunin ang kamay ng dating punong ministro at magpaalalay sa pagtayo.)
Hindi na binitiwan ni Bi Dam ang kamay ng reyna, hanggang sa makalayo na sila sa naturang hangganan ng Silla at Baekje.
Bi Dam: (nahalata ata niya na hindi niya dapat hawakan ang reyna kaya siya na ang bumitiw sa kamay nito.) Kamahalan, sasamahan ko na kayo pabalik ng Yulpoyaen, o baka naman gusto niyo na’ng bumalik ng Soraebol?
Hindi pa nakakasagot si Deok Man ng biglang sinalubong sila ni Tuks.
Tuks: Sinabi sa’kin ng bata na nandito ka raw upang tulungan akong humanap ng halamang-gamot. Sandali lang, may sugat ka. (sabay hawak nito sa kamay ni Bi Dam na kaunting nasugatan kanina nang masagi ng palasong kay Deok Man dapat tatama)
Bi Dam: Wala ‘to, ‘wag kang mag-alala.
Deok Man: (napatingin siya nang hawakan ni Tuks ang kamay ni Bi Dam. May kung anong hapdi siyang naramdaman ngunit hindi niya alam kung bakit. Naisip niya ang sinabi ni Al Cheon na isang manggagamot ang ina ng batang babae na inakala niyang anak ni Bi Dam)
Tuks: (Binitiwan na niya ang kamay ni Bi Dam nang makitang may kasama ito. Tila napansin nito na hindi makatayo ng diretso si Deok Man) Kamahalan, nasugatan rin ba kayo? (sabay tingin sa paa ni Deok Man)
Deok Man: (nagulat siya kung pa’no siya nakilala ni Tuks, pero hindi na niya masyadong inisip iyon dahil marami naman na sa mga mamamayan ng Silla ang nakakakilala sa kanya, at malapit lang din naman ang pamayanan na kinaroroonan nila sa Soraebol.) Ah…ayos lang ako.
Tuks: Naku, kailangang magamot na kayong dalawa. Kamahalan, maaari ba muna kayong sumama sa’min para malunasan ang inyong sugat?
Deok Man: (tumango na lang siya)
Binendahan ni Tuks ang kamay ni Bi Dam pati na ang tuhod at paa ng Kamahalan.
Tuks: Kamahalan, magiging maayos na ang paglakad ninyo pero pinapayuhan ko kayo na magpahinga muna dahil makakasama sa inyo ang mapagod. (may sasabihin pa sana siya nang biglang magsalita si Deok Man)
Deok Man: Naiintindihan ko. (ayaw niyang banggitin ni Tuks ang tungkol sa dati niyang karamdaman sa harap ni Bi Dam)
Tuks: Manatili muna kayo dito sa bahay ni Hyeong Jong ngayong gabi. Kinabukasan maaari na kayong makabalik ng Soraebol.
Deok Man: (hindi na siya nakaangal, ngunit labag talaga sa kalooban niya ang manatili roon, ngunit parang may pumupigil din sa kanya na tutulan ang ideyang manatili muna siya sa bahay na iyon kasama ni Bi Dam.)
Tuks: May dadalawin pa akong pasyente. Hyeong Jong, ikaw na ang bahala sa mahal na reyna. (at saka hinawakan ang balikat ni Bi Dam)
Deok Man: (nakita na naman niya ang pangyayaring iyon, anuba’t may sakit na namang gumihit sa kanyang puso)
Bi Dam: Mag-iingat ka.
Tuks: A…pwede bang ihatid mo na ko sa labas.
Bi Dam: O, sige.
Sa halip na tingnan ang dalawa papalabas, inilibot ni Deok Man ang paningin sa loob ng silid na kanyang kinaroroonan. Walang bakas ng kahit anumang magpapahiwatig na dito nga naninirahan si Bi Dam na kilala niya. Naisip niya talagang nagbago na nga ito.
Bago tuluyang umalis si Tuks papuntang kabundukan nag-usap sila ni Bi Dam.
Tuks: Kaya kita pinalabas para makausap ka nang sarilinan. (naging seryoso ang mukha nito) Nahalata kong ayaw itong ipaalam sa’yo ng Kamahalan, pero sa tingin ko dapat mo ‘tong malaman para na rin maalagaan mo siya nang mabuti ngayong gabi.
Bi Dam: Bakit? Ano ‘yun? (halata ang pag-aalala sa reyna)
Tuks: Hindi malalim ang sugat niya sa tuhod kaya wala kang dapat ipag-alala sa bagy na ‘yon. Pero nang suriin ko ang pulso niya, napag-alaman kong may komplikasyon siya sa puso.
Bi Dam: (nagulat siya sa sinabi ni Tuks)
Tuks: Pero sa tingin ko naman nalunasan na ito noon pa, pero hindi pa rin tayo nakatitiyak. Malamang may iniinom pa siyang gamot hanggang sa ngayon upang mapanatiling mabuti ang kanyang kalagayan. Bawal sa kanya ang mapagod, sobrang magalit at mag-alala. Dapat lagi lang siyang kalmado upang mapanatili ang normal na pagtibok ng kanyang puso.
Bi Dam: (kahit paano nakahinga na siya nang maluwag nang marinig iyon kay Tuks. Naalala niya tuloy nung minsan nasa loob siya ng silid ng reyna nang biglang mahirapan itong huminga, ang sabi noon ng reyna, napagod lang siya kaya hindi naman niya iyon gaanong inisip noon.)
Umalis na si Tuks kaya pumasok na sa loob si Bi Dam.
Bi Dam: Magpahinga ka na. Babantayan lang kita.
Deok Man: Hyeong Jong pala ang bago mong pangalan. ‘Yun na rin ba ang itatawag ko sa’yo mula ngayon?
Bi Dam: (nagulat siya sa sinabi ng reyna) Hyeong Jong ang tunay kong pangalan.Nabuhay ako bilang si Bi Dam sa pagpapalaki ni Maestro. Nabuhay akong walang mga magulang at hindi alam ang tunay kong pagkatao. Nang malaman ko naman ang totoo kong katauhan, pinili ko pa ring mabuhay bilang si Bi Dam dahil ‘yun ang personal kong kagustuhan. Nang akalain ng lahat na patay na ‘ko, nagkaroon ako ng pagkakataong mabuhay bilang si Hyeong Jong. Ang totoo pangalan niya lang ang maaari kong gamitin. Kaya heto ako ngayon, nabubuhay bilang si Hyeong Jong, isang ordinaryong mamamayan ng Silla.
Deok Man: ‘Yan na pala ang pinili mong buhay. Kinalimutan mo na ang pagiging si Bi Dam.
Bi Dam: Kailanman hindi naman natin mauutusan ang utak na kumalimot.
Deok Man: (nagulat siyang pareho sila ni Al Cheon ng sinabi) Alam ko, pero kung papipiliin ka, kaninong buhay ang mas gusto mo, kay Bi Dam o kay Hyeong Jong?
Bi Dam: (nginitian niya ang reyna) Kahit kailan hindi ko ipagpapalit ang naging buhay ko bilang si Bi Dam. Ang mga huling taon ko bilang si Bi Dam ang pinakamagandang nangyari sa’king buhay.
Deok Man: Kung gano’n, bakit hindi ka mabuhay bilang si Bi Dam ulit? Bakit hindi mo magawang balikan ang dating ikaw?
Bi Dam: Gustuhin ko man, hindi na maaari.
Deok Man: Bakit…bakit hindi?
Bi Dam: Dahil iyon lang ang tanging paraan upang ako’y mabuhay.
Deok Man: Tama ka. (lumungkot ang mukha niya. Alam niyang dahil din sa kanya kaya hindi na pwedeng mabuhay ang dating punong ministro bilang si Bi Dam.)
Nagkaroon ng panandaliang katahimikan ngunit binasag din iyon ni Bi Dam.
Bi Dam: Siguradong gagaling na ‘yang sugat mo. Magaling siyang manggagamot. Siya ang gumamot sa mga sugat ko noon. Sino ba namang mag-aakala na mabubuhay pa ‘ko sa gano’ng kalagayan? Pero salamat sa kanya.
Deok Man: Utang mo pala ang buhay mo sa kanya.
Bi Dam: Tama ka, Kamahalan. Pero noong mga oras na ‘yun iniisip ko na mas mabuti pa ata kung hinayaan na lang niya akong mamatay.
Deok Man: (nanatili siyang tahimik. Naisip niya noon, nang malamang niyang buhay pa siya, parang ayaw na rin niyang mabuhay pa, gusto na kasi niyang takasan ang mundong ‘to noong mga panahong iyon.)
Bi Dam: Sa totoo lang, sa dinamidami na ng naging kasalanan ko sa mundong ito kulang pa ang kamatayan para mapagbayaran iyon. Pero pinaalam sa’kin ni Tuks ang tunay na kahalagahan ng buhay. Bilang isang manggagamot, para sa kanila buhay ang pinakamahalaga sa lahat at ipinaliwanag niya sa’kin ‘yun. Pero ‘di inaasahan, nang tuluyan na ‘kong gumaling sa mga sugat ko, nakita ko siyang magpapakamatay. Ang sabi niya noong makita raw niya ‘ko dapat magpapakamatay na siya dahil iniwan siya ng kanyang asawa nang malaman nitong magkakaanak na sila. Naisip niyang huling misyon daw niya dito sa mundo ang gamutin ako, kaya naman nang masiguro niyang maayos na ang aking kalagayan itutuloy na sana niya ang kanyang balak. Nakakatawa nga dahil sa pagkakataong iyon ako naman ang nagpaalala sa kanya ng kahalagahan ng buhay.
Deok Man: Utang niyo pala ang buhay niyo sa isa’t isa…at siya pala ang dahilan kung bakit ka nagbago.
Bi Dam: (ngiti lang ang isinagot niya kay Deok Man)
Deok Man: Ang dami niyo na palang napagdaanang dalawa. (sabay subo ng inihaing pagkain ni Bi Dam)
Natapos ang hapunang iyon nang hindi na naman sila nagkikibuan. Natulog si Deok Man sa kabilang silid para sa panauhin katabi ng silid ni Bi Dam.
Deok Man: (hindi niya alam pero naiiyak siyang talaga. Ayaw niyang tumulo iyon kaya kumuha na lang siya ng panulat at papel. Iba ang iniisip niya sa kanyang ginagawa kaya pawang walang katuturan lang ang naisusulat niya.)
Ilang oras pa ang lumipas ngunit hindi rin makatulog si Bi Dam. Inaalala niya ang sinabi ni Yu Shin noong isang araw na hindi makatulog nang maayos ang reyna sa gabi. Hindi na niya napigilan ang sariling silipin ang Kamahalan sa silid nito upang tiyakin kung natutulog na ba ito. Pumasok na siya sa kabilang silid. Aalis na sana siya nang makitang natutulog na ang reyna nang mapansin niya ang luhang nagmumula sa mga mata nito. Naalala niya noon ang sinabi ng reyna: “Bibilis ang tibok ng puso ko at bigla akong mapapaiyak.”
Bi Dam: Hangang sa ngayon nahihirapan ka pa ring matulog? May inaalala ka pa rin? (alam niyang tulog na ang reyna at hindi na nito maririnig ang sinasabi niya.)
Pamaya-maya pa, narinig na niya ang tinig nito na binabanggit ang kanyang pangalan.
Deok Man: Bi Dam…Bi…Bi Dam. (nananaginip siya, bumabalik ang tagpong pinapatay si Bi Dam sa kanyang harapan.)
Bi Dam: Bi Dam? (naalala niya tuloy ang sinabi ni Yu Shin na nahihirapan ang reyna ngayong wala na siya sa tabi nito. Pero naisip niyang imposible naman ‘yun.) Pati ba naman sa panaginip mo ako pa rin ang dahilan kung bakit ka nasasaktan? (nangingilid ang mga luha niya) Dapat talaga tuluyan ko nang lisanin ang Gyerim upang hindi na ‘ko magdulot ng anumang bagay na ikasasama ng loob mo.
Hindi mapanatag si Bi Dam kung iiiwan niya ang reyna na nag-iisa sa silid na iyon. Umupo na lang siya sa isang bangko na katabi kama nito at pinagmasadan si Deok Man habang natutulog.
Nagmulat ng mga mata si Deok Man. Nagising na siya mula sa isang panaginip na talaga namang bangungot para sa kanya. Nakita niya ang mahimbing na natutulog na si Bi Dam sa upuan malapit sa kanya.
Sa palasyo hindi rin makatulog si Chun Chu dahil inaalala niya ang reyna. Hindi siya sang-ayon sa ginawang paglalakbay nito nang mag-isa. Pero wala naman siyang magawa kundi ang maghintay sa pagdating nito. ‘Pag nagkataon hindi pa siya handang maging hari ng dakilang bayan ng Silla. Iniisip din niya kung ipaaalam ba niya ito kay Punong Heneral Yu Shin at Punong Ministro Al Cheon. Lumalalim na rin ang gabi kaya nagpahinga na siya.
Kinabukasan nagising si Bi Dam na wala na si Deok Man. Isang sulat lang ang naiwan nito sa kanya:
Pakiabot na lang kay Tuks ang lubos kong pasasalamat sa panggagamot niya sa aking mga sugat. Ikumusta mo na lang rin ako sa anak niya.
Nagpasya akong umalis na nang hindi nagpapaalam. Alam kong susundan mo ako upang matiyak ang kaligtasan ng Kamahalan. Ngunit pabayaan mo na akong mag-isa. Nais ko lang hanapin ang mga nawalang bahagi ng aking sarili. ‘Wag mo itong isipin bilang isang utos mula sa reyna, sa halip ituring mo itong huling hiling ng isang kaibigan.
Iyon lamang ang laman ng sulat, walang lagda iyon ni Deok Man. Malamang hindi na siya nag-aksaya ng panahong isulat do’n ang kanyang pangalan upang makaalis na kaagad.
Nagmamadaling lumabas si Bi Dam upang suriin kung nakalayo na ang reyna.Wala na siyang makitang bakas nito. Mukhang ilang oras na ang nakakalipas nang umalis siya. Naiinis si Bi Dam sa sarili niya dahil hinayaan niyang umalis mag-isa si Deok Man. Nag-aalala talaga siya dito, baka mangyari ang naganap kahapon. Inaalala rin niya ang kalagayan nito lalo na’t nabanggit nga ni Tuks ang sakit nito sa puso. Tama, wala siyang balak sundin ang hiling ng reyna na ‘wag siyang sundan. Hindi niya hahayaang manganib ang buhay nito, hindi rin niya kakayaning mawala ito.
Hindi niya alam kung saan magsisimulang hanapin ang reyna. Naisip rin niya kung dapat ba niya itong ipaalam sa palasyo. Kung makakagano’n baka magdulot lamang iyon ng kaguluhan. Bahala na, ang mahalaga ngayon mahanap niya si Deok Man. Hindi na siya makapag-isip ng tama. Pa’no kung binalikan na pala ito ng mga taga-Baekje? Pa’no kung bihag na nila ang reyna?
Nakikihalubilo lang si Deok Man sa mga taumbayan. Nais niyang maranasang mabuhay muli kasama ang mga ito kahit sa loob lang ng isang araw. Dahil walang nakakakilala sa kanya sa pamyanang kanyang pinuntahan, malaya siyang nakikipag-usap sa mga tao bilang isang ordinaryong mamamayan ng Silla. Natutuwa siya dahil nakikita niyang unti-unti na ang pag-unlad ng kanyang mga nasasakupan. Humuhusay ang mga ito sa kanilang mga propesyon at napansin din niyang tumatalino na sila at marami na ang marunong bumasa, sumulat at magkwenta. Isa pang ikinatutuwa niya ang papuri sa reyna na naririnig niya mula sa karamihan sa kanila.
May biglang lumapit sa kanyang isang batang lalaki.
Batang Lalaki: Ale o, para sa inyo. (sabay abot nito ng bulaklak kay Deok Man)
Deok Man: (natuwa siya. Bumalik sa kanya ang tagpong binigyan siya ni Bi Dam ng bulaklak noon. Bigla niyang naalala na bukas na pala ang kanyang kaarawan.) Talaga bang para sa akin ‘to?
Batang Lalaki: Opo. Sabi kasi nung mama kanina ibigay ko raw po ‘yan sa inyo. Kaya lang po bigla siyang nawala.
Deok Man: Gano’n ba.
Umalis na ang batang lalaki matapos ibigay nito ang bulaklak. Umupa si Deok Man ng isang maliit na silid na kanyang matutulugan.
Ikatatlong araw na nang umalis ang reyna kaya naman nag-aalala na si Chun Chu. Hindi niya alam ang gagawin kapag hindi pa ito bumalik bukas. Ipinalangin na lang niya ang kaligtasan ng kanyang tiya.
Chun Chu: Sana nakita mo na siya sa mga oras na ‘to. ‘Wag mong pababayaan ang Kamahalan. (Sa sarili niya ito nasabi)
Nagpunta si Deok Man sa kweba kung saan una niyang nakilala si Bi Dam. Natawa siya nang maalala ang tagpong kinindatan siya nito. Ngiting may hapdi ang gumihit sa kanyang mga labi. Nais nga niyang sariwain ang mga masasayang alaala ng nakaraan na alam niyang hindi na niya maaaring ibalik pa.
Umupo siya doon, nang biglang may nag-abot sa kanya ng isang hita ng manok. Pagtingin niya, nakita niya si Bi Dam na kumakain na ng manok gamit ang kabilang kamay nito.
Deok Man: Hindi ba sinabi ko na sa’yo na ‘wag mo na akong sundan? Hindi mo man lang ako nagawang pagbigyan. (hindi niya gustong makita si Bi Dam dahil ayaw na niyang masaktan. Nakapagdesisyon na siya, pagkatapos ng araw na ‘to tuluyan na niyang buburahin ang nakaraan sa kanyang isipan, kahit imposible pipilitin niya.)
Bi Dam: Ang sama mo naman. Kunin mo na ‘to. Hindi ka pa kumakain.
Kinuha na ni Deok Man ang manok dahil na gugutom na rin siya. Pero masama pa rin ang loob niya.
Bi Dam: Nandito lang ako para batiin ka ng maligayang kaarawan. O, (sabay abot nito ng bulaklak kay Deok Man)
Deok Man: (napansin niyang parang magkauri ang bulaklak na binigay ng batang lalaki at ang ibinibigay ni Bi Dam, kaya agad niyang kinuha iyon upang suriin.) Teka, ‘wag mong sabihing ikaw ‘yung…
Bi Dam: (natawa siya) Talagang matalino ka Kamahalan.
Deok Man: (masama pa rin ang loob niya, kaya tinapon niya ang bulaklak. Tumayo siya at halatang ang galit sa mukha niya.) Alam kong naging malupit akong kaibigan para sa’yo, pero sana naman hindi mo binigo ang huling hiling ko bilang isang kaibigan. Ayokong ituring mong utos iyon mula sa Kamahalan dahil idadahilan mong mas mahalaga ang aking kaligtasan. Pero bakit hindi mo pa rin iyon sinunod kahit sinabi ko nang ituring mo ‘yun bilang hiling mula sa isang kaibigan? Gano’n ba ako naging kalupit, sa’yo kaya hindi mo na ako maituring na isang kaibigan kahit sa huling pagkakataon?
Bi Dam: (tumayo na siya upang makausap nang mabuti si Deok Man, nag-aalala rin siya na baka makasama sa puso ng reyna ang sobrang magalit) Hindi ko itinuring ‘yun bilang isang utos mula sa’yo Kamahalan. (sumeryoso ang mukha nito)
Deok Man: Kung gano’n bilang isang kaibigan bakit mo pa ko sinundan? (nangingilid ang kanyang mga luha sa gitna ng pag-uusap nila ni Bi Dam)
Bi Dam: Kaya kong sundin iyon bilang isang kaibigan ngunit hindi bilang isang nagmamahal. (namumula na rin ang kanyang mga mata) Para sa akin wala ng hihigit pa sa buhay ng aking babaeng iniibig.
Deok Man: (nagulat siya sa mga tinuran nito. Mahal pa siya ni Bi Dam? Hindi siya makapaniwala. Hindi siya makatingin sa mga mata nito.)
Bi Dam: Alam kong magdudulot lang sa’yo ng sakit ang aking pag-ibig kaya pinilit kong lumayo at mabuhay bilang ibang tao. Paalis na rin sana ako ng Gyerim upang kalimutan na ang muling pagtatagpo natin dito dahil baka manumbalik na naman ang nakaraan. Ang totoo, hindi talaga nawala ang nararamdaman ko para sa’yo. Sa bawat araw na lumilipas lalo pa kitang minamahal, pero alam kong hindi na pwede, kung ipipilit ko ‘yun baka maulit lang ang nangyarin noon…Alam kong wala na ‘kong silbi sa’yo…kaya nais ko na lang ‘wag maging pabigat at tulungan kang pangalagaan ang bayang ito, Kamahalan…Pinipilit kong mabuhay nang hindi ka nakakasama dahil alam kong ‘yun ang dapat kong gawin. Minamasdan na lang kita sa malayo kung mapapagawi ka sa aming pamayanan. ‘Yun na ang pinili kong buhay, isang ordinaryong mamamayan ng bayang iyong pinakamamahal.
Deok Man: Bi Dam…
Bi Dam: Patawad, Kamahalan sa lahat-lahat. Matagal ko nang gustong humingi ng paumanhin sa’yo…sa hindi pagtitiwala, sa aking kapahangasan…sa lahat-lahat nang ginawa kong kasalanan. Alam kong wala iyong kapatawaran, ganoon pa man nais ko pa ring sabihin sa’yo ‘to.
Deok Man: Alam ko na ang katotohan na ang lahat ay isang patibong lamang upang mapilitan kang sumama sa kanilang layunin.
Bi Dam: Nasa akin pa rin ang pagkukulang, ang laking tanga ko upang hindi magtiwala sa’yong mga sinabi.
Deok Man: Hindi na mahalaga ‘yun…ang importante…kasama na kita. (tumingin na siya sa mga mata ni Bi Dam)
Bi Dam: (halatang nagulat siya, hindi niya inaasahang ‘yun ang isasagot ng reyna) Kamahalan…
Deok Man: Bi Dam, ‘wag ka nang mawawala sa piling ‘ko.
Bi Dam: (ngumiti siya at niyakap si Deok Man nang buong pagmamahal) Hinding-hindi na, Kamahalan.
Nakaupo na sila habang kumakain ng inihaw na manok ni Bi Dam.
Deok Man: Pa’no mo nalaman kung nasa’n ako?
Bi Dam: Ang totoo kasi niyan palihim akong kinausap ni Prinsipe Chun Chu …
Noong umalis si Deok Man sa tirahan ni Bi Dam palihim na pinatawag ng prinsipe ang dating punong ministro sa pamamagitan ni Al Cheon.
Chun Chu: Nabasa ko ‘to nang mapagawi ako sa silid ng reyna. (ipinakita niya kay Bi Dam ang sinulat ng reyna limang taon na ang nakakalipas) Alam kong buhay ka dahil sa kinikilos ng reyna, at nakumpirma ko nga iyon kay Punong Ministro Al Cheon.
Bi Dam: (binasa ang ipinakita ni Chun Chu. Halos maiyak na siya na nang mabasa ang laman nito.)
Chun Chu: Bi Dam, alam mong hindi ako boto sa iyo para sa Kamahalan. Iyon ang dahilan kung bakit ko nasabi noon ang mga salitang pinakaayaw mong marinig. Pero ngayon naiintindihan ko na ang lahat, nauunawaan ko na kung bakit hindi ka niya magawang talikuran. ‘Yon ay dahil mahal ka niya ng lubusan at ‘yang hawak mo ang patunay.
Bi Dam: Bakit mo ngayon sinasabi sa’kin ‘to?
Chun Chu: Iniwan niya sa’kin ‘to bago siya umalis. (ibinigay ang sulat ng reyna)
Bi Dam: (binasa ang sulat na iyon)
Chun Chu: Hindi siya nakinig sa’kin nang pigilan ko siya. Nakalagay diyan na nais niyang makihalubilo sa taumbayang kanyang nasasakupan bilang isang ordinaryong mamamayan. Alam kong nais niyang balikan ang dati niyang katauhan kahit sa huling pagkakataon. Nais kong hanapin mo siya.
Bi Dam: Kahit hindi mo sabihin, hahanapin ko siya.
Chun Chu: Kahit ano’ng mangyari ‘wag mo siyang pababayaan. Ayokong mawalan ng ina sa pangalwang pagkakataon. (ina na ang turing niya kay Deok Man)
Ipinaliwanag ni Bi Dam ang nangyaring iyon kay Deok Man.
Bi Dam: Naisip kong iyon ang unang bayang iyong pupuntahan. Malayu-layo ‘yun sa Soraebol kaya walang makakakilala sa’yo. Kung dun ka mananatili hindi ka rin mahihirapang pumunta sa Yulpoyaen.
Deok Man: Kahapon mo pa ako sinusundan, hindi ka man lang nagpakita.
Bi Dam: Ang totoo, kung hindi kita nakita do’n hindi ko iisiping pupunta ka dito.
Nagtawanan silang dalawa. Parang parehong bumalik ang dating si Deok Man at ang dating si Bi Dam.
Nakabalik sila ng palasyo, pero noon rin ay binukas ng reyna ang usapin sa paglilipat ng korona. Noong linggo ring iyon ay naganap ang koronasyon kay Chun Chu. Masaya si Deok Man na saksihan iyon ng kanyang dalawang mata. Alam niyang magiging matalino at mahusay na hari ang kanyang pamangkin.
Nilisan na ni Deok Man ang palasyo papuntang Chu Wa . Dito naghihintay si Bi Dam. Naganap sa wakas ang kasalan sa pagitan ng dalawa. Nagulat si Deok Man dahil sinunod pala ni Bi Dam ang nakasaad sa sulat niya noon na magpatayo si Bi Dam ng tirahan para sa kanilang dalawa.
Deok Man: Bi Dam, hindi ko kayang mawala ka sa piling ko.
Bi Dam: Hinding-hindi ako mawawala sa tabi mo, Deok Man.
Deok Man: (Masaya siyang marinig ang pangalan niya mula kay Bi Dam. Nginitian niya si Bi Dam, hinawakan ang mukha nito at saka niyakap.)
Bi Dam: (niyakap din niya ang asawa.) Mahal na mahal kita, Deok Man.
Deok Man: Mahal din kita, Bi Dam.
Ngayon wala na si Kamahalan, wala si Punong Ministro, wala na’ng reyna, wala na ring tauhan, silang dalawa ay pawang ordinaryong mamamayan na lang ng Silla, isang karaniwang mag-asawa na lubos na nagmamahalan.
Isang taon ang lumipas, at ngayon ay may kambal na silang anak, kambal na babae. Naalala tuloy ni Deok Man ang kanyang Ate Cheon Myeong. Pareho ring may marka sa likod ng tainga ang kanilang mga anak. Sa wakas, natupad na rin ang hiling ni Deok Man na mabuhay nang payapa, kasama ang asawa niya’t mga anak na lubos na kinakalinga at minamahal.
Update: I’m currently working on the English translation. Hopefully, will post it before the year ends.